Walang pasok sa Mayo 12, Comelec nagbabala sa election fake news

0
37

MAYNILA. Opisyal nang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Mayo 12 bilang isang Special (Non-Working) Holiday sa buong bansa upang bigyang-daan ang mga mamamayan na makagamit ng kanilang karapatang bumoto sa darating na halalan.

Ayon sa Proclamation No. 878, layon ng deklarasyon na magbigay ng pagkakataon sa mga tao na makaboto nang walang sagabal. Ang kopya ng proklamasyon ay ipinaabot ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, na pirmado ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, at may pahintulot ni Pangulong Marcos.

Bago ito, hiniling na ng Commission on Elections (Comelec) kay Pangulong Marcos na ideklara ang araw ng halalan bilang holiday upang matiyak na magkakaroon ng sapat na oras ang publiko para makaboto.

Sa isang panayam, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, “Ito ay upang magkaroon ng pagkakataon ang publiko na makaboto sa midterm elections.” Ayon kay Garcia, maraming tao ang may pasok sa araw ng halalan, kaya’t makatutulong kung ideklara itong holiday upang mabigyan ng oras ang mga botante.

“Marami kasi aniyang may pasok sa mismong araw ng eleksyon kaya makatutulong kung idedeklara itong holiday,” dagdag pa ni Garcia.

Samantala, binanggit ni Garcia na ang isang opisyal na proklamasyon mula sa Malacañang ay kailangan upang gawing opisyal ang deklarasyon ng holiday sa Mayo 12.

Comelec, Nagbabala Laban sa Fake News sa Halalan

Samantala, nagbabala ang Comelec hinggil sa kumakalat na maling impormasyon tungkol sa halalan sa Mayo 12. Pinabulaanan nila ang isang pekeng balita na nagsasabing inilipat ang halalan sa Mayo 10, 2025, dahil sa matinding init. Tinawag itong “fake news” ni Comelec Chairman George Garcia.

Giit ni Garcia, “Walang makakapigil sa kasalukuyang halalan sa Mayo 12 dahil ito ay nakalagay sa Saligang Batas.”

Pinabulaanan din ng Comelec ang mga kumakalat na mensahe sa social media na nagsasabing kailangan ng National ID para makaboto. Ayon sa Comelec, wala itong katotohanan. “Ang mga botante ay makakaboto kahit walang National ID basta ang pangalan ay nasa listahan sa labas ng presinto, sa loob ng presinto, sa precinct finder, sa voters information sheet, o sa voters assistance desk.”

Binatikos din ni Garcia ang social media advisory na nagsasabing “No National ID, No Vote” bilang isang malaking kasinungalingan. Aniya, “Hindi totoo ito, at ito ay isang hakbang upang pababain ang voter turnout sa darating na eleksyon.”

Patuloy pang iniimbestigahan ng Comelec kung sino ang nasa likod ng maling impormasyon na ito, at itinuturing nilang target ng mga nagpapakalat ng fake news ang pahinain ang kredibilidad at integridad ng Eleksyon 2025.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.