KERRVILLE, Texas. Walang Pilipino ang kabilang sa mga nasawi sa matinding pagbaha sa Texas, ayon sa Philippine Consulate General sa Houston.
“As of now, there are still no reports of any Filipino casualties. The Consulate remains hopeful that none will be reported in the coming days,” ayon sa pahayag ng konsulado.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng konsulado sa Filipino community sa Kerr County, Kerrville City, at iba pang bahagi ng Central Texas, na matinding naapektuhan ng biglaang pagbaha, upang matiyak ang kalagayan ng mga kababayang apektado.
“The Consulate is in direct contact with the Filipino community in Kerrville City and is aware that our kababayans living there are doing okay,” ayon sa Assistant to Nationals (ATN) ng konsulado.
Dagdag pa rito, patuloy na binabantayan ng konsulado ang mga kaganapan sa rescue at search operations sa mga apektadong lugar, partikular sa Kerr County, na isa sa mga pinakamatinding tinamaan ng baha.
Base sa ulat ni Texas Governor Greg Abbott sa isang press conference noong Linggo, umabot na sa 78 ang bilang ng mga nasawi, kung saan 68 ay mula sa Kerr County kabilang ang 28 bata. Sampung iba pa ang namatay sa ibang bahagi ng Texas at 41 ang naiulat na nawawala.
Nakikipag-ugnayan din ang konsulado sa mga lokal na awtoridad upang makakalap ng karagdagang impormasyon at agarang makatugon kung may mga Pilipinong nangangailangan ng tulong.
“The Consulate General in Houston is in contact with local authorities and members of the Filipino community in the affected areas to gather more information, and stands ready to extend necessary and appropriate support to any Filipino who may have been affected,” ayon sa pahayag.
Hinimok ng konsulado ang mga Pilipino sa Texas na patuloy na subaybayan ang mga emergency advisory at makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung kinakailangan ng tulong.
Edgardo Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.






