Walang Pilipinong nasawi sa bus crash sa New York ayon sa pulisya

0
402

NEW YORK. Kinumpirma ng New York State Police na walang Pilipino sa limang nasawi sa bumaligtad na tourist bus sa Upstate New York noong Biyernes habang pabalik mula Niagara Falls patungong New York City.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga namatay bilang sina Shankar Kumar Jha, 65, ng Madhu Bani, India; Pinki Changrani, 60, ng East Brunswick, New Jersey; Xie Hongzhuo, 22, ng Beijing, China, estudyante sa Columbia University; Zhang Xiaolan, 55, ng Jersey City, New Jersey; at Jian Mingli, 56, ng Jersey City, New Jersey.

Ang Van Wool Bus and Coach tourist bus na pag-aari ng M&Y Tour Inc. sa Staten Island ay may sakay na 54 katao kabilang ang driver at crew nang ito’y bumaligtad sa Interstate 90.

Dinala sa apat na ospital sa Buffalo at Rochester ang mga nasugatan. Sa Erie County Medical Center, 21 pasahero ang naitala: pito ang nakalabas na, anim ang nananatiling naka-admit, lima ang nasa Trauma Intensive Care Unit at tatlo ang nasa obserbasyon. Mayroon ding mga dinala sa Strong Memorial Hospital, Millard Fillmore Suburban Hospital at UMMC.

Ayon kay Trooper James O’Callaghan ng New York State Police, nakontak na ang lahat ng pamilya ng mga biktima at nakatakda nang isara ang family reunification center.

Patuloy namang nagbeberipika ang Philippine Consulate sa New York kung may mga Pilipinong kabilang sa mga dinala sa ospital. Ayon kay Consular Officer Rovald Valdez, nakikipag-ugnayan na sila sa pulisya at sa mga ospital para makakuha ng tiyak na impormasyon.

Nauna nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang ang mga Pilipino sa mga pasahero ng bus, ngunit nilinaw nitong hindi magbibigay ng dagdag na detalye hangga’t hindi nakikipag-ugnayan sa pamilya ng mga apektado.

Sa inilabas na advisory, nagpaabot ng pakikiramay ang konsulado at nanawagan sa mga Pilipinong may kaanak na posibleng sangkot sa insidente na makipag-ugnayan sa Assistance-to-Nationals (ATN) hotline sa (917) 294-0196.

Author profile

Edgardo Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.