Walang Pinoy na nadamay sa sagupaan ng India at Pakistan — DFA

0
60

MAYNILA. Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules, Mayo 7, na walang Pilipinong nasawi sa nagpapatuloy na tensyon at sagupaan sa pagitan ng India at Pakistan.

Sa opisyal na pahayag ng DFA, sinabi nitong mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon sa rehiyon at nakikipag-ugnayan ang mga embahada upang masiguro ang kaligtasan ng mga kababayan doon.

“Our Embassy in Islamabad has confirmed that there are no reports of Filipino casualties in the incident,” ayon sa DFA.

Dagdag pa ng ahensya, “We call for a peaceful resolution to the current issues.”

Pinayuhan din ng DFA ang mga miyembro ng Filipino community sa mga apektadong lugar na manatiling maingat at mapagmatyag sa gitna ng patuloy na tensyon sa nasabing rehiyon.

Batay sa pinakahuling tala ng DFA, tinatayang nasa 1,300 na Pilipino ang naninirahan sa India, karamihan ay mga propesyonal at nagtatrabaho sa IT at engineering sectors, habang humigit-kumulang 700 naman ang nasa Pakistan, kalakhan ay mga kasapi ng diplomatic at humanitarian communities.

Matatandaang sumiklab ang panibagong sagupaan matapos akusahan ng India ang Pakistan ng pagpapabagsak sa limang fighter jet nito. Bilang tugon, iniulat ng India na isinagawa nito ang serye ng air strikes laban sa siyam na umano’y “terrorist infrastructure” sa teritoryo ng Pakistan, kabilang ang ilang lugar na umano’y may kaugnayan sa mga Islamist militants na iniuugnay sa pag-atake sa mga Hindu tourists sa Kashmir noong nakaraang buwan. Sa nasabing pag-atake, 26 katao ang nasawi.

Patuloy na binabantayan ng DFA ang mga kaganapan sa rehiyon upang tiyaking ligtas ang mga Pilipino sa mga apektadong lugar.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.