San Pablo City. Bumaba na sa walo ang bilang ng naitalang kaso ng positibo sa Covid-19 sa lungsod na ito, ayon sa report ng San Pablo City Anti CoViD-19 Task Force kagabi.
Matatandaan na halos dalawang buwan na mataas ang bilang ng kaso dito at umabot ito sa 102 noong Setyembre 8, 2021.
Samantala, patuloy na isinasagawa sa mga vaccinations sites sa lungsod na ito ang pagbibigay ng bakuna sa mga residente at taga ibang bayan. Gayon pa man, mahigpit na ipinapayo ni San Pablo City Health Officer James Lee Ho sa lahat ng nais magpabakuna dito na bago magtungo sa mga vaccination sites ay mangyaring mag register muna sa:
TINYURL.COM/SPCVACCINATIONSTEP1
Hintayin ang confirmation email sa hatinggabi, i-print at dalhin sa venue sa araw ng iskedyul na nakatakda, ayon sa abiso.
Bagaman at kahit mga residente ng ibang bayan o lungsod ay bukas palad na binibigyan ng bakuna sa nabanggit na lungsod ay mahigpit ang kanilang tagubilin na hindi sila tumatanggap ng walk-ins o hindi registrado.
Ang aktibong programang Vax to Normal ay sa pangunguna ni Mayor Loreto “Amben” S. Amante, katuwang ang City Health Office, mga sangguniang barangay, mga volunteers mula sa iba’t ibang sektor at mga pribadong ospital.
Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.