Warehouseman pinatay ng nakatalong kasamahan

0
322

Kawit, Cavite. Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 40 anyos na lalaki sa loob ng pinagtatrabahuhang warehouse kahapon ng madaling araw sa Brgy. Toclong, sa bayang ito.

Kinilala ang biktima na si Ronald Dangan, na residente ng Baclaran, Parañaque City na nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Naaresto naman ng duty security guard ng warehouse ang suspek na kinilalang si Ronald Aquiman, 33 anyos na residente ng Brgy. Toclong, Kawit, Cavite.

Ayon sa ulat mula kay Police Major Rommel Carcellar, hepe ng pulisya ng Kawit Municipal Police Station ito, bandang ala una ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng Brawer Builders Warehouse sa nabanggit na lugar kung saan nagtalo ang dalawa na nauwi sa suntukan hanggang sa pagsasaksakin ng suspek ang biktima.

Agad na tumugon ang gwardyang si Rannie Boy Mindaña at dinakip ang suspek at isinuko sa pulisya.

Isinugod naman sa San Pedro Calungsod Medical Center ang biktima subalit idineklara itong dead-on-arrival.

Narekober sa suspek ang patalim na ginamit nito sa pagpatay.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.