MAYNILA. Ihahain ngayong araw ni Julie Patidongan, alyas “Totoy”, ang kanyang sinumpaang salaysay sa National Police Commission (Napolcom) upang pangalanan ang 15 pulis na umano’y sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungeros.
Ayon kay Napolcom Vice Chairman and Executive Officer Atty. Rafael Calinisan, malaking tulong ang isusumiteng affidavit ni Patidongan upang masimulan na ang pormal na imbestigasyon sa kontrobersiyal na kaso.
“Sobrang importante siya,” ani Calinisan. “Una, kasi gugulong na ’yung proseso. Ang pinakaimportante sa lahat ay umandar na, at masyado nang matagal ’yung pag-aantay ng taumbayan. Apat na taon nang naghihintay ng hustisya.”
Bagama’t kasong administratibo ang pangunahing isasampa laban sa mga sangkot na pulis, posible rin umano silang maharap sa mga kasong kriminal depende sa ilalabas na ebidensya.
Target ng Napolcom na tapusin ang imbestigasyon sa loob ng dalawang buwan. Ayon kay Calinisan, mabigat ang mga akusasyong isiniwalat ni Patidongan, kabilang na ang pagkakasangkot umano ng ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
“Kung inosente ang mga pulis na ito, absuweltohin natin. Pero kung sila ay guilty, dapat silang managot,” dagdag pa niya.
Nilinaw rin ni Calinisan na saklaw lamang ng kanilang administrative jurisdiction ang mga aktibong pulis. Wala na umano silang kapangyarihan sa mga retirado nang opisyal ng PNP na maaaring sangkot sa kaso.
Sakaling mapatunayang guilty sa grave misconduct, posibleng patawan ang mga pulis ng suspensiyon o tuluyang tanggalin sa serbisyo.
Tiniyak ni Calinisan na ipatutupad ang due process sa lahat ng sangkot upang masiguro ang patas na pagdinig sa bawat panig.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






