MAYNILA – Bahagyang bumilis ang Tropical Depression Wilma habang kumikilos sa west southwest na direksyon sa Philippine Sea, ayon sa pinakahuling Tropical Cyclone Bulletin ng PAGASA. Dahil dito, itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 18 lugar.
Tinatayang nasa 245 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar ang sentro ng bagyo. Taglay nito ang maximum sustained winds na 45 kilometro bawat oras, pagbugsong hangin na hanggang 55 km/h, at central pressure na 1,000 hPa.
Kumikilos si Wilma sa bilis na 20 km/h, at ang malalakas na hangin nito ay umaabot hanggang 220 kilometro mula sa sentro.
Mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1:
Luzon
• Katimugang bahagi ng mainland Masbate (Cataingan, Pio V. Corpuz, Esperanza, Placer, Cawayan, Palanas, Dimasalang)
Visayas
• Northern Samar
• Eastern Samar
• Samar
• Biliran
• Leyte
• Southern Leyte
• Hilaga at gitnang bahagi ng Cebu, kabilang ang Bantayan at Camotes Islands
• Bohol
• Hilaga at silangang bahagi ng Negros Occidental
• Hilagang bahagi ng Negros Oriental
• Silangang bahagi ng Iloilo
• Silangang bahagi ng Capiz
Mindanao
• Surigao del Norte kabilang ang Siargao at Bucas Grande Islands
• Dinagat Islands
• Hilagang bahagi ng Surigao del Sur
• Hilagang bahagi ng Agusan del Norte
• Camiguin
Ulan na inaasahan mula kay Wilma:
• 100 hanggang 200 mm: Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte
• 50 hanggang 100 mm: Cebu, Bohol, Negros Oriental, Negros Occidental, Siquijor, Guimaras, Iloilo, Capiz, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Agusan del Norte, Misamis Oriental, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental
Magdadala rin ang Northeast Monsoon ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, lalo na sa mga baybaying dagat at upland areas na nakaharap sa hanging amihan.
May nakataas ding Gale Warning sa hilaga at kanlurang bahagi ng Northern Luzon at sa silangang baybayin ng Luzon at Visayas.
Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang west southwestward na galaw ni Wilma hanggang Disyembre 6 bago ito kumilos pa-kanluran sa mga susunod na araw.
Posibleng tumama ang sentro ng bagyo o dumaan malapit sa Eastern Visayas o Dinagat Islands mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga. Tatawid ito sa Visayas hanggang Linggo.
Inaasahan namang lalabas si Wilma sa Sulu Sea at dadaan sa hilagang Palawan pagsapit ng Lunes ng umaga.
Bahagyang lalakas ang bagyo bago ang posibleng landfall ngunit mananatili itong tropical depression sa buong forecast period. Posible ang karagdagang pag-intensify kapag nakalabas na ito sa West Philippine Sea.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





