Zaldy Co binigyan ng ultimatum ng DILG na sumuko hanggang Lunes

0
345

MAYNILA — Naglabas ng deadline ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kay dating Ako-Bicol Partylist representative Zaldy Co at sa 17 iba pang akusado na sumuko sa mga otoridad hanggang Lunes, November 24, ayon kay Secretary Jonvic Remulla.

Sinabi ni Remulla na hinihintay na lamang nila ang kopya ng warrants upang makagawa ng memorandum na nananawagan kay Co na sumuko sa pinakamalapit na ahensya ng gobyerno. “Bibigyan namin kayo hanggang Lunes na magpakita, para maiharap namin. Kung hindi, hahanapin namin kayo at ituturing na fugitives of justice,” ani Remulla.

Dagdag pa niya, kapag nagpakita si Co ng evasive o aggressive maneuvers, maaari pa rin silang magpasensiya, ngunit gagamitin niya ang buong bigat ng batas upang maaresto ang mga ito. Ang pagpapatupad ng warrants laban kay Co at iba pang akusado ay joint operation ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).

Una nang iniulat ng DILG na huling nakita si Co sa Japan at naglakbay din sa China at Europe. Ayon kay Remulla, hindi maaaring arestuhin si Co kung siya ay nasa Russia, China, Malaysia, o Portugal dahil walang extradition treaty ang Pilipinas sa mga bansang ito. “Wala tayong extradition treaties sa mga bansang iyon. Sa Portugal, kung ang krimen ay ginawa bago ang golden passport, liable pa rin sila sa batas,” dagdag niya.

Dahil may nakabinbing kaso laban kay Co, nag-aaplay ang pamahalaan ng Red Notice sa Interpol upang madali siyang maaresto. Binanggit din ni Remulla na makatutulong kung makakansela ang pasaporte ni Co upang mapabilis ang proseso ng paghuli ng Interpol.

Samantala, hinimok ng NBI noong Sabado si Co at ang mga kaakibat na indibidwal na sumuko na para sa mas mabilis na proseso. Ayon kay NBI Officer-in-Charge Atty. Angelito Magno, “Sa batas, walang ‘later’. Mas magaan ang proseso kapag kusang loob; mas mabigat kapag hinabol. Face the warrant now. Justice is calling—better to meet it than to run from it.”

Nagpadala na ang NBI ng team para ipatupad ang mga warrants at mobilize ang buong pwersa ng batas. “Ang mga nagnakaw sa publiko ay haharap sa publiko—ito ang aming mandato at sisiguraduhin naming matupad ito,” dagdag niya.

Nabatid na ang Fifth Division ng Sandiganbayan ay nagpalabas ng warrants of arrest at hold departure orders laban kay Co, mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region IV-B (MIMAROPA) na sina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben Delos Santos, Dominic Serrano, Juliet Calvo, Dennis Abagon, Montrexis Tamayo, Lerma Cayco, Felisardo Casuno, at Timojen Sacar.

Kabilang din ang mga pribadong indibidwal ng Sunwest Inc., kasama ang board of directors na sina Aderma Alcazar, Cesar Buenaventura, Consuelo Aldon, Engineer Noel Cao, at Anthony Ngo. Sa Sixth Division, kabilang uli si Co at ang parehong DPWH at Sunwest personnel sa inisyu ng warrants. Sa Seventh Division, isang warrant of arrest naman ang nakalaan para kay Co.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.