Zaldy Co nagbitiw bilang kongresista, kinasuhan na ng ICI

0
426

MAYNILA — Nagbitiw na si Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy “Zaldy” Co bilang miyembro ng House of Representatives sa gitna ng mga kasong isinampa laban sa kanya at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng kontrobersyal na flood control project sa Oriental Mindoro.

Sa isang Facebook post nitong Lunes, Setyembre 29, ibinahagi ni Co ang kanyang resignation letter na inihain sa tanggapan ni House Speaker Faustino Dy.

“Mabigat man sa aking puso, ako’y nagpaabot ng aking pagbibitiw bilang Kinatawan sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso,” ani Co.

Dagdag pa niya: “Sa loob ng aking panunungkulan, ­aking sinikap na maging ka­surog (kakampi) ng bawat Pilipino, lalo na ng ating mga kababayan sa Bicol.”

Ayon kay Co, hindi naging madali ang kanyang desisyon ngunit ito ay masusing pinag-isipan para sa kapakanan ng kanyang pamilya at mga taong kanyang pinaglilingkuran. “On the account on real, direct, grave and imminent threat to the lives of my family members and me and the evident denial to the right to due process of law, I am constrained to tender with immediate effect of my irrevocable resignation as a member of House of Representatives,” dagdag pa niya.

Nag-resign siya matapos kanselahin ang kanyang travel clearance at matapos ang sampung araw na palugit na ibinigay ni Speaker Dy upang makabalik siya sa bansa. Una nang pinayagan si Co na makabiyahe sa Estados Unidos para magpagamot sa sakit sa puso, ngunit kinumpirma ng U.S. immigration authorities na wala na siya sa Amerika at napaulat na nasa Spain.

Samantala, pormal nang naghain ng kaso ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman laban kay Co, ilang board members ng Sunwest, Inc., at mga opisyal ng DPWH Region IV-B kaugnay ng P290-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Personal na nagtungo sa Ombudsman sina ICI Chair Justice Andy Reyes, dating DPWH Secretary Rogelio Singson, SGV Country Managing Partner Rossana Fajardo, at ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka upang isumite ang kanilang interim report at rekomendasyon.

Batay sa imbestigasyon at inspeksyon ng DPWH, natuklasang substandard at kulang sa dokumento ang proyekto.

Kabilang sa mga kasong inirekomenda ng ICI laban kina Co at mga opisyal ay ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation at Falsification sa ilalim ng Revised Penal Code, Government Procurement Reform Act, at Code of Conduct for Public Officials and Employees.

“We have strong evidence and are confident that the cases will move forward,” ani Hosaka.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.