Zaldy Co nangangambang patayin kapag umuwi sa Pilipinas

0
329

MAYNILA — Ipinahayag ng dating House Committee on Appropriations chairman at nagbitiw na AKO Bicol Partylist representative na si Elizaldy “Zaldy” Co ang matinding pangamba para sa kanyang buhay bunsod ng umano’y seryosong banta sa kanya sakaling umuwi siya sa Pilipinas.

Ayon kay Atty. Ruy Rondain, legal counsel ni Co, nais sana ng kanyang kliyente na humarap sa imbestigasyon ngunit nagdadalawang-isip ito dahil sa mga “credible at seryosong” death threat na natatanggap.

Ibinunyag ni Rondain na may mga impormasyon silang natanggap na maaaring paglapag pa lamang ni Co sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay targetin na ito ng mga bayarang killer o ng mga vigilante group. Ayon sa ulat, nais umanong patahimikin si Co upang hindi na ito makapagsalita tungkol sa mga flood control scam na iniimbestigahan.

Si Co ay itinuturong nasa likod ng umano’y P13 bilyong budget insertions para sa mga infrastructure program sa ilalim ng 2025 national budget. Kabilang din siya sa mga sinasabing sangkot sa P285.5 milyong pondo para sa mga ghost flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

“He has a general fear of being shot, whether by a vigilante or a political enemy he doesn’t even know,” pahayag ni Rondain.

Dagdag pa ng abogado, may natanggap din silang impormasyon tungkol sa isang organisadong grupo sa Europe na umano’y nagbabalak din na patayin ang dating kongresista. Sa ngayon, aminado si Rondain na hindi niya alam ang kasalukuyang kinaroroonan ng kanyang kliyente. Ang huling impormasyon aniya ay nasa Boston, Amerika si Co, sa pagitan ng Setyembre at Oktubre ngayong taon.

Matatandaang inirekomenda na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa 18 opisyal ng pamahalaan, kabilang sina Co at mga senador na sina Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at Chiz Escudero. Kaugnay ito ng umano’y mga kickback sa mga ghost flood control project na kasalukuyang iniimbestigahan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.