15-anyos na suspek sa Tacloban school shooting posibleng tumanda na sa kulungan, ayon sa JJWC

0
48

MAYNILA — Maaaring tumanda na sa loob ng piitan ang 15-anyos na suspek sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban, Leyte, kung mapatutunayang nagkasala sa kasong murder na isinampa laban sa kanya, ayon sa Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC).

Sinabi ni Atty. Patricia Claire Oco ng JJWC, isang attached agency ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na hindi nangangahulugan na awtomatikong makaliligtas sa pananagutan ang isang menor de edad na nasasangkot sa mabigat na krimen.

Ipinaliwanag ni Oco na sa ilalim ng batas, ang mga batang may edad na higit 15 ngunit wala pang 18 taong gulang ay maaaring managot kung napatunayang kumilos sila nang may discernment o sapat na pag-unawa sa ginawa nilang paglabag.

“Akala kasi ng ilang menor de edad na kapag nagkaroon sila ng kaso ay hindi sila mapaparusahan dahil bata pa sila. Mali iyon. Maaari silang managot sa batas kapag mabigat at karumal-dumal ang krimen, ngunit isinasaalang-alang pa rin na sila ay menor de edad,” ani Oco.

Ayon sa JJWC, ang dalawang menor de edad na suspek sa insidente ay kasalukuyang nasa isang DSWD rehabilitation center sa Tacloban matapos mapuno ang lokal na Bahay Pag-asa facility na nagsisilbing pansamantalang kanlungan ng mga batang may kaso.

Sinabi rin ni Oco na maaari ring magkaroon ng pananagutan ang mga magulang o guardian ng mga suspek kung mapatutunayan ng korte na may kapabayaan o pagkukulang sila sa pangangalaga na nag-ambag sa insidente.

Samantala, sinabi ng DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program na nagbigay na sila ng tig-P20,000 tulong pinansyal sa pamilya ng mga nasawi sa pamamaril. Sinasagot din ng ahensya ang gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatan.

Naglaan din ang DSWD ng psychological interventions para sa mga estudyante, magulang at iba pang naapektuhan ng insidente upang matulungan silang makayanan ang trauma at takot matapos ang nangyari sa loob ng paaralan.

Sa bukod na balita, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na napigilan ng mga awtoridad ang isa pang posibleng pag-atake sa paaralan sa Tolosa, Leyte.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, nakatanggap siya ng impormasyon mula kay Sen. Bam Aquino tungkol sa umano’y banta ng isa pang mass shooting sa lalawigan.

Sinabi ni Remulla na agad kumilos ang mga awtoridad matapos matukoy ang mga post sa Facebook ng isang 14-anyos na Grade 10 student na naglalaman ng mga banta ng pamamaril o pananaksak sa Tolosa National High School.

Ayon sa DILG, gumawa umano ang estudyante ng ilang social media accounts at nagbahagi ng mga mensaheng nagdulot ng pangamba sa mga estudyante, magulang at publiko.

Gayunman, sinabi ni Remulla na walang nakitang ebidensya ang mga imbestigador na may access ang estudyante sa baril o mayroong organisadong planong pag-atake.

“The threat appears to be neutralized and inactive. No evidence of an organized plan or involvement of others was found,” ani Remulla.

Ayon pa sa opisyal, posibleng naapektuhan ang estudyante ng kamakailang pamamaril sa San Jose National High School.

Nanawagan naman si Remulla sa publiko na agad ireport sa emergency hotline 911 ang anumang kahina-hinalang banta sa seguridad upang agad itong maimbestigahan.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa dalawang insidente habang isinasagawa ng mga awtoridad ang mga hakbang upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan at maprotektahan ang mga mag-aaral.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.