15-anyos na suspek sa Tacloban school shooting sinampahan ng murder at iba pang kaso

0
52

MAYNILA – Sinampahan ng tatlong bilang ng murder, tatlong bilang ng frustrated murder, at iba pang kaso ng serious physical injuries ang 15-anyos na estudyanteng itinuturong sangkot sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng 20 iba pa.

Ayon sa Police Regional Office 8 (PRO-8), ang 15-anyos na suspek lamang ang isinailalim sa kasong kriminal matapos matukoy ng mga awtoridad na kumilos umano siya nang may discernment o sapat na pag-unawa sa ginawa niyang krimen, alinsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Samantala, hindi kinasuhan ang 14-anyos na kasamang suspek dahil exempted ito sa criminal liability sa ilalim ng parehong batas. Sa halip, sasailalim ito sa intervention program sa pangangalaga ng mga awtoridad at social welfare personnel.

Batay sa resulta ng paraffin test, parehong nagpositibo sa gunpowder nitrates ang kanang kamay ng dalawang menor de edad, habang nagpositibo rin ang baril na narekober sa insidente na nagpapakitang ito ay nagpaputok.

Ayon kay PLtCol. Analiza Armeza, tagapagsalita ng Eastern Visayas police, patuloy na sinusuri ng mga imbestigador kung may partikular na target ang dalawang suspek bago ang pamamaril at kung may kaugnayan ang insidente sa posibleng karanasan nila sa pambubully.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na dumalo muna sa flag raising ceremony ang isa sa mga suspek bago nagtago sa comfort room ng paaralan.

Ayon kay PCol. Allen Rae Co, officer-in-charge ng PNP Public Information Office, dumating ang 14-anyos na suspek na kinilala sa alyas na “Nash” sa San Jose National High School sa Barangay 87, Tacloban City bandang alas-7:30 ng umaga upang dumalo sa seremonya.

Matapos nito, nagtago umano siya sa comfort room hanggang dumating ang kanyang 15-anyos na kasamang si alyas “Rod.” Bandang alas-9 ng umaga, lumabas umano ang dalawa at naglibot sa paaralan bago nagsimula ang pamamaril dakong alas-9:20 ng umaga.

Dalawang silid-aralan ang pinaputukan ng mga suspek. Ayon sa pulisya, may ilan ding estudyanteng sinubukan umanong habulin habang nagaganap ang insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon, sinabi ng mga awtoridad na si “Nash” umano ang nagpaputok ng karamihan sa mga bala. Si “Rod” naman ay isang putok lamang umano ang naipaputok bago siya napigilan ng mga rumespondeng pulis at personnel ng Bureau of Fire Protection.

Arestado si “Rod” bandang alas-9:30 ng umaga matapos siyang mapigilan nina Police Corporal Melchor Homo at FO2 Ludwig Edrick Zosa.

Samantala, naaresto si “Nash” bandang alas-11:15 ng umaga sa tulong ng isang sibilyan. Narekober sa kanya ang isang bag na naglalaman ng Glock 17 pistol, foldable baton, bonnet, puting sweatshirt, vest, firearm holster, at puting T-shirt.

Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na ang 9mm Glock 17 pistol na ginamit sa insidente ay umano’y nakuha ng pangunahing suspek mula sa kanyang tiyahing pulis, habang ang .38 caliber revolver naman ng kanyang kasamang suspek ay sinasabing nagmula sa isang security agency sa Cebu.

Patuloy namang iniimbestigahan ang policewoman na tiyahin ng suspek upang matukoy kung paano napunta sa menor de edad ang kanyang service firearm.

Ayon kay Police Regional Office 8 Director PBGen. Jason Capoy, mahigit isang buwan umanong pinaplano ang pag-atake. Sinusuri rin ng pulisya kung may naging impluwensiya ang online game na GoreBox sa insidente, matapos lumabas sa imbestigasyon ang umano’y kaalaman ng pangunahing suspek sa paggamit ng baril, kabilang ang pagkabit at pagtanggal ng magazine at pagre-reload.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office ang dalawang menor de edad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.