DepEd nag anunsiyo ng mas maagang bakasyon sa eskwelahan

0
640

Klase, magtatapos sa Mayo 31

Itinakda ng Department of Education (DepEd) ang mas maagang pagtatapos ng kasalukuyang school year bilang paghahanda sa unti-unting pagbabalik sa lumang school calendar, kung saan ang summer vacation ay isinasagawa tuwing buwan ng Abril at Mayo.

Ayon sa Department Order 003 na may petsang Pebrero 19, 2024, at nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, ang end-of-school year (EOSY) para sa School Year 2023-2024 ay sa Mayo 31, 2024 na.

Isinasaad din dito na, “ang School Awards Committee ay dapat na magsagawa na ng deliberasyon sa mga parangal at rekognisyon na ipagkakaloob sa mga estudyante, nang hindi lalampas sa tatlong calendar days bago ang EOSY rites para sa mga mag-aaral na tatanggap ng recognition at awards at mga mag-aaral na kandidato para sa graduation o pagtatapos.”

Itinakda rin ng DepEd ang EOSY break mula Hunyo 1 hanggang Hulyo 26, 2024.

Ayon sa DepEd, “ang quarterly examination naman ay dapat na isagawa sa Marso 25-26, 2024, para sa Academic Quarter 3 at Mayo 16 at 17, 2024 naman para sa Academic Quarter 4.”

Ang EOSY rites ay idaraos mula Mayo 29-31, 2024.

Gayunman, sa ilalim ng exceptional circumstances, “ang mga paaralan ay maaari magdaos ng EOSY rites sa Hunyo 1, 2024, ngunit ito ay kailangang dumaan sa konsultasyon sa mga guro at mga magulang.”

Samantala, ang SY 2024-2025 ay nakatakdang magsimula sa Hulyo 29, 2024 at magtatapos sa Mayo 16, 2025, habang ang Brigada Eskwela ay mula Hulyo 22 hanggang Hulyo 27, 2024.

Nauna dito, sinabi ni DepEd spokesperson Undersecretary Michael Poa na “maaaring abutin ng hanggang tatlong taon bago maibalik sa Abril at Mayo ang summer vacation ng mga mag-aaral,” na matatandaang nabago dahil sa pananalasa ng COVID-19 pandemic.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo