Super typhoon Champi posibleng pumasok sa PAR sa susunod na linggo

0
31

MANILA, Philippines | Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes, Oktubre 20, ang bagyong Champi, na patuloy na lumalakas sa karagatang Pasipiko at maaaring umabot sa lakas ng super typhoon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa ulat ng PAGASA kaninang 3:00 ng madaling araw nitong Oktubre 17, namataan ang Champi may 2,675 kilometro silangan ng Eastern Visayas, taglay ang maximum sustained winds na 140 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 170 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Ayon sa lingguhang pagtataya ng PAGASA, maaaring magdala ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang buntot ng bagyo sa Visayas, Caraga at Northern Mindanao mula Oktubre 19 hanggang 22. Gayunman, nakadepende sa magiging galaw at lakas ng bagyo ang lawak ng magiging epekto nito sa bansa.

Noong Setyembre, iniulat ng Philippine News Agency, batay sa pahayag ng PAGASA, na isa hanggang dalawang bagyo ang inaasahang papasok o mabubuo sa PAR kada buwan mula Oktubre hanggang Disyembre. Posible ring umabot sa lakas ng typhoon o super typhoon ang ilan sa mga ito.

Pinapayuhan ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na bulletin at babala ng PAGASA dahil maaaring magbago ang direksiyon at lakas ng bagyo habang papalapit ito sa bansa. Para sa pinakahuling impormasyon, bisitahin ang opisyal na website ng PAGASA sa https://www.pagasa.dost.gov.ph/.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.