Gluta drip Session ni Mariel Padilla sa senado, bubusisiin

0
164

Iimbestigahan ng Senado ang kontrobersyal na gluta drip session ng aktres na si Mariel Padilla sa loob mismo ng senate office ng kanyang asawang si Sen. Robin Padilla.

Sinabi ni Sen. Nancy Binay, chairperson ng Senate Committee on Ethics and Privileges, na bagamat hindi naman Senador ang aktres, kailangan pa rin itong suriin nang mabuti dahil may kaugnayan ito sa integridad at reputasyon ng Senado at kalusugan.

Paliwanag pa ni Binay, nakababahala rin ang IV procedure ni Mariel dahil ginawa ito nang walang abiso sa clinic ng Senado.

Idinagdag pa ng Senador na mismong ang Department of Health (DOH) ang nagsabi na bawal at hindi ligtas na gumamit ng gluta drip.

Ang gluta drip ay isang uri ng anti-oxidant na kadalasang iniinom o ini-inject sa katawan ng ilang tao.

Nauna dito, nag-post sa Instagram ang aktres na nagpapa-gluta drip siya habang nasa opisina ng asawang senador.

Umani naman ito ng maraming batikos mula sa mga netizens, at kalaunan ay binura na rin ng aktres ang kanyang post.

Humingi naman ng paumanhin si Sen. Padilla sa mga netizens kung may nakitang mali sa ginawa ng kanyang asawa, na aniya ay walang masamang intensyon, kaya’t nakakatawa na ito pa ang naging isyu.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.