Bentahan at pegrerehistro ng mga kumpiskadong sasakyan sa LTO, iniimbestigahan

0
61

MAYNILA. Ipinag-utos ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang imbestigasyon sa 40 district offices ng ahensya dahil sa mga ulat na sangkot ang mga ito sa ilegal na pagbebenta at pagrerehistro ng mga kumpiskadong sasakyan.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), tinaguriang “technical carnapping” ang naturang modus na nagsasangkot ng mga narekober na sasakyan na iligal na naibebenta at nare-rehistro pa.

Sinabi ni Mendoza na maglalabas siya ng show cause orders para pagpaliwanagin ang mga pinuno ng district offices na sangkot sa umano’y anomalya. Inihayag niya na batay sa datos, nangyari ang 15 insidente ng iligal na paglipat ng pagmamay-ari sa CARAGA Region, walo sa Rehiyon 9, tig-apat sa Rehiyon 2 at Rehiyon 11, tig-dalawa sa Rehiyon 1, Rehiyon 3, at Rehiyon 10, at tig-isa sa Rehiyon 4A, Rehiyon 8, at Cordillera Administrative Region.

Sa gitna ng imbestigasyon, natuklasan din ni Mendoza na sangkot ang ilang district offices sa hindi awtorisadong pagproseso ng Cancellation of Transfer of Ownership at Duplication of Certificates of Registration para mapalabas na legal ang mga transaksyon.

“Ipinaalam na namin kay DOTr Secretary Vince Dizon ang modus na ito, at malinaw ang kanyang tagubilin: tukuyin at tiyakin na airtight ang kasong isasampa laban sa mga sangkot,” ani Mendoza.

Dagdag pa niya, hindi nila hahayaang magamit ang LTO sa ganitong uri ng ilegal na aktibidad. Babala pa ni Mendoza, ang mga sangkot ay posibleng maharap sa mga kasong administratibo, kabilang ang dismissal penalties, alinsunod sa Civil Service rules at LTO Memorandum Circular No. MC-91-137, at itinuturing ding paglabag sa LTO Citizen Charter.

Tiniyak ni Mendoza na maglalabas sila ng show cause orders laban sa mga bagong may-ari ng mga sangkot na sasakyan upang papanagutin ang lahat ng responsable.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.