Dumarami ang Pilipinong ayaw nang magpakasal — PSA

0
436

MAYNILA. Bumaba ng 7.8 porsyento ang bilang ng mga Pilipinong nagpakasal noong 2023, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). Mula sa naitalang 449,163 kasal noong 2022, nasa 414,213 lamang ang naitala noong nakaraang taon.

Ayon sa PSA, lumalawak ang pagtanggap ng mga Pilipino sa cohabitation o pagsasama nang hindi kasal. Batay sa 2022 National Demographic and Health Survey, 19 porsyento ng mga kababaihang may edad 15 hanggang 49-anyos ang nakikitang nakatira na sa kanilang partner kahit walang pormal na kasal.

Mas marami rin ang mga batang isinilang mula sa mga magulang na hindi legal na kasal, na umabot sa 842,728. Mas mataas ito kumpara sa 605,794 na isinilang mula sa mga mag-asawang kasal sa mata ng batas.

Naitala rin ng PSA na ang pinakamaraming kasalan ay naganap noong Pebrero, sinundan ng Disyembre at Hunyo. Nangunguna ang rehiyon ng CALABARZON sa may pinakamaraming kasal, habang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) naman ang may pinakamababang bilang.

Sa kabuuang kasal noong 2023, 42.9 porsyento ang civil weddings, 31.4 porsyento ang Roman Catholic weddings, at 23.5 porsyento ang mula sa iba’t ibang relihiyosong seremonya.

Nanatiling nasa edad 28 ang karaniwang edad ng mga babaeng ikinakasal, habang 30-anyos naman sa mga lalaki. Samantala, nananatili rin ang kaso ng maagang pag-aasawa sa bansa, kung saan 12,630 na menor-de-edad na babae ang naitalang nagpakasal noong 2023.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo