PAGASA: Bagyong Mun nasa labas pa ng PAR, habagat magpapatuloy

0
592

MAYNILA. Patuloy na mino-monitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Storm Mun na kasalukuyang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa ulat ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 2,500 kilometro silangan hilagang-silangan ng dulong hilagang bahagi ng Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 80 kilometro kada oras, habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Kahit wala pa sa loob ng bansa ang bagyo, magpapatuloy naman ang mga pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa dahil sa umiiral na Southwest Monsoon o Habagat.

Samantala, sinabi rin ng PAGASA na may binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng PAR na may “medium” chance o katamtamang posibilidad na maging isang tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Dahil dito, ilang lugar sa bansa ang nagsuspinde ng klase dahil sa inaasahang pag-ulan na dulot ng LPA. Kabilang sa mga apektadong lugar ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Aurora na makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.

Inaasahan ding makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro dahil sa Habagat.

Makakaranas din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Western Visayas at iba pang bahagi ng Luzon.

Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng panandaliang pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo