P100-M smuggled agri products, nasabat sa Subic Port

0
437

MAYNILA. Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P100 milyong halaga ng mga smuggled na produktong agrikultural sa isinagawang magkasanib na inspeksyon kasama ang Department of Agriculture (DA) at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Port of Subic noong Hulyo 8, 2025.

Ayon sa BOC-Port of Subic, nadiskubre sa sampung 40-foot containers ang mga misdeclared na kargamento tulad ng karot, sibuyas, at frozen mackerel na unang idineklara bilang “Chicken Lollipops” o “Chicken Poppers.”

Kabuuang 52 containers ang na-flag para sa karagdagang inspeksyon. Matapos ang masusing pagsusuri at clearance mula sa DA, 21 container ang nailabas habang nananatili sa customs custody ang 31, kabilang ang 10 containers na naglalaman ng mga agricultural products na aabot sa halagang P100 milyon.

Dahil sa nasabing paglabag, mag-iisyu ang Port of Subic ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga kargamentong sangkot. Nilabag umano ng mga ito ang Section 19 ng DA Circular No. 4, s. 2016; Sections 7(c) at 7(e) ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act; Section 1400, at Section 1113(f) at (l)(3), (4), at (5) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA); at Section 61(d) ng Republic Act No. 8550 na inamyendahan ng RA 10654, pati na ang Fisheries Administrative Order No. 195, s. 1999.

Inatasan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio Nepomuceno ang mga kaukulang tanggapan ng ahensya na kilalanin ang mga nasa likod ng iligal na aktibidad at ihain ang nararapat na kaso laban sa kanila.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo