Kamara, halos handa na sa ika-4 na SONA ni Pangulong Marcos Jr.

0
620

MAYNILA. Inihayag ng Kamara de Representantes na nasa 90 hanggang 95 porsiyento nang handa ang lahat para sa nalalapit na ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gaganapin sa Hulyo 28 sa Batasang Pambansa, Quezon City.

Ayon kay House spokesperson Princess Abante, patuloy ang ginagawang paghahanda at wala namang naitalang aberya kahit pa may nararanasang pag-ulan sa mga nakalipas na araw. Aniya, nakalatag na rin ang mga contingency plan kung sakaling lumala ang panahon sa mismong araw ng SONA. Nilinaw rin niyang walang plano ng pagpapaliban ng programa.

Final na rin ang mga hakbang sa seguridad, ayon sa pamunuan ng Kamara, at wala pang natatanggap na anumang banta sa seguridad. Aabot sa mahigit 1,500 bisita ang inaasahang dadalo, kapareho ng bilang noong nakaraang taon.

Hinimok ni Abante ang publiko na subaybayan ang talumpati ng Pangulo sa iba’t ibang media at social media platforms. Inaasahang tatalakayin ni Marcos Jr. ang mga pangunahing isyu sa bansa, mga reporma ng administrasyon, at ang kalagayan ng ekonomiya, seguridad, at mga proyektong pang-imprastruktura.

Ang SONA ay taunang ulat ng Pangulo sa bayan ukol sa kalagayan ng bansa at direksyong tatahakin ng pamahalaan sa natitirang bahagi ng kanyang termino.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo