Torre, panalo sa walkover matapos hindi dumating si Baste Duterte sa charity match

0
441

MAYNILA. Dinagsa ng mga manonood ang inaabangang laban sa boksing sa pagitan nina Philippine National Police chief Gen. Nicolas Torre III at Davao City acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte nitong Linggo, ngunit nauwi ang event sa pagkadismaya matapos hindi sumipot si Duterte.

Maagang dumating si Torre sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila kung saan dagsa rin ang mga tagasuporta at nanood ng “Boxing for Charity,” isang 12-round exhibition match na layong makalikom ng pondo para sa mga komunidad na sinalanta ng mga nagdaang bagyo.

Dahil hindi dumalo si Duterte, idineklara si Torre na panalo sa pamamagitan ng default.

Matatandaang nag-ugat ang laban sa hamon ni Duterte ng suntukan kay Torre, na tinanggap naman ng heneral at sinabing magandang pagkakataon ito upang makatulong sa mga nasalanta ng kalamidad.

Pumayag si Duterte ngunit naglatag ng mga kondisyon, kabilang ang pagsasailalim ng lahat ng kawani ng gobyerno sa hair follicle drug test. Gayunpaman, ang kanyang hindi pagdalo sa araw ng laban ay ikinabigo ng maraming tagasuportang umaasang masisilayan ang sagupaan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo