MAYNILA. Hinatulang guilty ng Sandiganbayan si Janet Lim-Napoles, pangunahing akusado sa “pork barrel scam,” kasama ang tatlong dating opisyal ng mga na-abolish na state firms na Technology Resource Center (TRC) at National Agribusiness Corp. (Nabcor).
Sa 149-pahinang desisyon ng Special Third Division na inilabas nitong Biyernes, napatunayang guilty si Napoles sa dalawang bilang ng graft at dalawang bilang ng malversation. Kasamang nahatulan sina Dennis Cunanan, dating deputy director general ng TRC, Maria Rosalinda Lacsamana, dating TRC group manager, at Rhodora Mendoza ng Nabcor.
Si Napoles ay sinentensiyahan ng 12 hanggang 20 taong pagkakakulong para sa graft at 20 hanggang 34 na taon para sa malversation. Sina Cunanan at Lacsamana ay haharap sa anim hanggang 10 taon para sa graft at 10 hanggang 14 na taon para sa malversation. Samantala, si Mendoza ay sinentensiyahan ng anim hanggang 10 taon para sa graft at 10 hanggang 18 taon para sa malversation.
Batay sa kaso, ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni dating Congressman Marc Douglas Cagas IV ay inilipat sa mga non-government organization (NGO) na People’s Organization for Progress and Development Foundation Inc. (Popdfi) at Social Development Program for Farmers Foundation Inc. (Sdpffi), parehong kontrolado ni Napoles. Ang pondo na nagkakahalaga ng P2.7 milyon ay napunta sa Popdfi at P4.85 milyon naman sa Sdpffi, para umano sa mga proyekto sa agrikultura na kalaunan ay napatunayang hindi umiiral.
Ayon sa korte, ang proseso ng pagpopondo ay nagbigay-daan kay Napoles at sa mga kasabwat na “ilaan at ibulsa ang PDAF-drawn public funds, sa halip na ipatupad ang mga proyektong pinondohan.” Hindi rin dumaan sa public bidding ang pagpili ng mga NGO bilang project partners.
Inutusan ng korte sina Napoles, Cunanan at Lacsamana na magbayad ng multa at danyos na P2.7 milyon kaugnay ng Popdfi, habang sina Napoles at Mendoza naman ay pinagbabayad ng P4.85 milyon kaugnay ng Sdpffi, kasama ang interes.
Iginiit ng Sandiganbayan na malinaw ang naging papel nina Napoles at ng mga dating opisyal sa maling paggamit ng pondo, at binigyang-diin na mahalagang requirement ang public bidding para sa mga pondong inilaan sa proyekto.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





