Ilang Pinoy posibleng kasama sa tour bus accident sa New York

0
247

NEW YORK CITY. Patay ang lima at sugatan ang dose-dosenang iba pa matapos bumaligtad ang isang tour bus na may sakay na 54 katao sa Interstate 90 sa bayan ng Pembroke, New York noong Biyernes ng tanghali.

Ayon kay New York State Police Maj. Andre Ray, nawalan ng kontrol ang driver matapos umano itong ma-distract at nag-overcorrect bago tuluyang bumangga at gumulong ang bus bandang 12:30 ng tanghali, mga 40 kilometro silangan ng Buffalo.

Ilang pasahero ang tumilapon mula sa bus at lima ang nasawi sa mismong lugar ng insidente. Marami ring naipit at kinailangang sagipin ng mga rescuer.

Sinabi ng pulisya na karamihan sa mga sakay ay mga Indian, Chinese at Filipino. Dahil dito, nagdala ng mga interpreter ang mga awtoridad upang makatulong sa agarang komunikasyon.

Kinumpirma rin ng Philippine Consulate sa New York na may ilang Pilipino o Filipino American na kabilang sa mga pasahero. “Still waiting for official word from authorities. Right now they are only giving details to immediate family,” ayon kay Consul General Senen Mangalile. Naglabas din ito ng abiso na handa silang magbigay ng tulong at pinayuhan ang mga may kamag-anak na posibleng apektado na makipag-ugnayan sa emergency hotline ng Assistance-to-Nationals Section sa (917) 294-0196.

Dagdag pa ng pulisya, wala pang indikasyon ng mekanikal na sira o impairment ng driver. Nakatulong din ito sa imbestigasyon at hindi pa nasasampahan ng kaso.

Ayon sa ulat, karamihan sa mga pasahero ay hindi nakasuot ng seat belt. Matatandaang may batas sa New York mula 2023 na nag-aatas ng paggamit ng seat belt sa mga charter bus na ginawa simula Nobyembre 2016, ngunit hindi pa natitiyak ang edad ng bus na sangkot sa insidente.

Mahigit 40 katao ang dinala sa iba’t ibang ospital dahil sa mga pinsalang gaya ng head trauma at bali ng mga buto. Dalawa ang sumailalim sa operasyon ngunit inaasahang makakarekober, ayon sa Erie County Medical Center.

Tinukoy ng pulisya na pagmamay-ari ng M&Y Tour Inc. mula Staten Island ang bus, na may “satisfactory” safety rating at walang naitalang malalang aksidente o pagkamatay sa nakaraang dalawang taon.

Sa kanyang pahayag, tinawag ni New York Gov. Kathy Hochul ang insidente bilang isang trahedya at nagpahayag ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima.

Author profile

Edgardo Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.