MAYNILA. Iginiit ng Malacañang na igagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakdang malakihang pagtitipon ng iba’t ibang grupo sa darating na Setyembre 21.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nirerespeto ng Pangulo ang karapatan sa freedom of expression, at anumang nararamdaman at sentimyento ng mga mamamayan ay bibigyang halaga.
“Kung anuman ang nararamdaman at ang sentimyento ng ating mga kababayan sa ngayon ay igagalang ito,” pahayag ni Castro sa press briefing sa Palasyo.
Dagdag pa niya, ang nasabing pagtitipon ay nakatuon laban sa korapsiyon, isang laban na sinusuportahan din umano ng Pangulo. Gayunman, umaasa ang Malacañang na hindi ito magamit ng mga taong may masamang intensyon laban sa pamahalaan.
“Itong kanilang pagsisimyento ay huwag sanang sakyan ng ibang mga tao na hindi maganda ang naisin para sa gobyerno kundi mag-destabilize,” giit ni Castro.
Layunin ng rally sa Setyembre 21 na kalampagin ang gobyerno at manawagan ng pananagutan sa mga sangkot sa katiwalian. Natapat ito sa araw ng paggunita sa deklarasyon ng martial law ng ama ng Pangulo, si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





