MANILA | Lumakas bilang bagyo si Choi-Wan habang nananatili sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ngunit hindi ito inaasahang papasok sa PAR. Gayunman, patuloy na nakaaapekto ang trough nito sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, ayon sa PAGASA nitong Sabado, Oktubre 3.
Alas-3 ng madaling araw, namataan ang Typhoon Choi-Wan may 2,430 kilometro silangan ng Northern Luzon. Taglay nito ang maximum sustained winds na 130 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na hanggang 160 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilaga sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Dahil sa trough ni Choi-Wan, makararanas ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Leyte at Southern Leyte. Nagbabala ang PAGASA na maaaring magkaroon ng katamtaman hanggang malakas na ulan na posibleng magdulot ng pagbaha at landslide.
Ayon sa weekly weather outlook ng PAGASA, maaaring magpatuloy ang epekto ng trough sa malaking bahagi ng Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula at Masbate hanggang Oktubre 5. Pagsapit ng Oktubre 6 at 7, inaasahang ITCZ naman ang magdadala ng mas maulap na panahon at mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Mindanao at Palawan.
Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may posibilidad ng isolated rain showers o thunderstorms.
Batay naman sa pinakahuling bulletin ng Korea Meteorological Administration, inaasahang magpapatuloy si Choi-Wan sa paggalaw pahilaga hanggang hilagang-silangan sa mga susunod na araw.
Kung sakaling pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), bibigyan ng PAGASA ng lokal na pangalang Basyang ang bagyo. Sa kasalukuyan, nananatili itong nasa labas ng PAR at patuloy na sinusubaybayan ng PAGASA habang umuusad sa karagatan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





