Nando lumalakas, 6 lugar nasa Signal No. 2

0
992

MAYNILA. Anim na lugar ang isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 habang patuloy na lumalakas at papalapit sa hilagang bahagi ng Luzon ang Bagyong Nando (international name Ragasa), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo ng umaga.

Sa tropical cyclone bulletin ng PAGASA kaninang alas singko ng umaga, tinukoy na ang mata ng bagyo ay nasa layong 610 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 175 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na hanggang 215 kilometro kada oras, na may central pressure na 935 hPa. Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras at may malakas hanggang sa lakas-bagyong hangin na umaabot hanggang 530 kilometro mula sa sentro.

Ang mga lugar na nasa ilalim ng TCWS No. 2 ay Batanes, Cagayan, Babuyan Islands, hilagang-silangang bahagi ng Isabela (San Mariano, Ilagan City, Tumauini, Cabagan, Palanan, Divilacan, Maconacon, San Pablo, Santa Maria, Santo Tomas, Delfin Albano), silangang bahagi ng Apayao (Luna, Santa Marcela, Pudtol, Flora), at silangang bahagi ng Kalinga (Rizal).

Samantala, nasa ilalim ng Signal No. 1 ang natitirang bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, nalalabing bahagi ng Kalinga at Apayao, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, hilagang bahagi ng Zambales (Santa Cruz, Candelaria, Masinloc, Palauig), hilaga at gitnang bahagi ng Nueva Ecija (Carranglan, Lupao, San Jose City, Pantabangan, Bongabon, Laur, Gabaldon, General Mamerto Natividad, Rizal, Llanera, Talavera, Science City of Muñoz, Santo Domingo, Talugtug, Palayan City, Cuyapo, Nampicuan, Guimba, Licab, Quezon, Aliaga, Cabanatuan City, Santa Rosa, Zaragoza, Jaen, San Leonardo, General Tinio, Peñaranda), hilaga at gitnang bahagi ng Tarlac (San Jose, City of Tarlac, La Paz, Victoria, Gerona, Paniqui, Moncada, San Manuel, Anao, Ramos, Pura, Camiling, San Clemente, Mayantoc, Santa Ignacia), Aurora, at hilaga at gitnang bahagi ng Catanduanes (Pandan, Caramoran, Bagamanoc, Panganiban, Viga, Gigmoto, San Miguel, Baras).

Ayon sa PAGASA, “Nando will begin to turn west northwestward today, moving towards Extreme Northern Luzon. On the forecast track, the center of NANDO may pass close or may make landfall over Batanes or Babuyan Islands between tomorrow (22 September) afternoon and evening. It may exit the Philippine Area of Responsibility by Tuesday (23 September) early morning.”

Dagdag pa ng ahensya, maaaring maging super typhoon si Nando ngayong araw at “will continue to intensify before it approaches Extreme Northern Luzon.”

Nagbabala ang PAGASA na ang Southwest Monsoon at trough ni Nando ay magdadala ng malakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, MIMAROPA, Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Zamboanga Peninsula, Davao Occidental at Davao Oriental sa Setyembre 21; sa parehong mga lugar kasama ang BARMM at SOCCSKSARGEN sa Setyembre 22; at sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, MIMAROPA, Visayas, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula at Dinagat Islands sa Setyembre 23.

Naglabas din ang PAGASA ng Gale Warning sa mga baybayin ng hilaga at silangang bahagi ng Hilagang Luzon. Aabot sa 11 metro ang taas ng alon sa mga baybayin ng Batanes at Babuyan Islands at hilagang-silangang bahagi ng Cagayan, 8 metro sa iba pang bahagi ng Cagayan, 5.5 metro sa Isabela, at 4.5 metro sa Aurora at Ilocos Norte.

“Sea travel is risky for all types or tonnage of vessels. All mariners must remain in port or, if underway, seek shelter or safe harbor as soon as possible until winds and waves subside,” babala ng PAGASA.

Pinayuhan din ng ahensya ang publiko at mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng kinakailangang paghahanda laban sa posibleng pagbaha, storm surge at pagguho ng lupa, at sumunod sa mga abiso at kautusan ng awtoridad.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo