Mendiola riot, iniugnay ng DILG at PNP sa teroristang grupo

0
418

MAYNILA. Patuloy ang pagsusuri ng mga ahensiya ng gobyerno sa mga pangyayari kaugnay ng riot sa Mendiola nitong Linggo, kabilang ang posibleng pagkakasangkot ng mga terorista, pananakit sa hanay ng pulisya, at mga pahayag ng ilang personalidad na maaaring umabot sa kasong sedisyon.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP), isang lokal na grupong terorista ang itinuturong nasa likod ng marahas na pagtitipon na umabot sa tangkang pagsunog sa Malacañang. Batay sa intelligence report, target umano ng grupo ang magpasabog sa Edsa People Power Monument o Luneta, dahilan upang magpakalat ng humigit-kumulang 400 pulis na naka-civilian para masuri ang sitwasyon.

“Mabuti na lamang at sa Mendiola nangyari ang kaguluhan at mas na-contain ang sitwasyon,” pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla. Ibinahagi pa niya ang isang insidente mula sa rally: “May narinig kaming rally na sinabi nung may hawak ng mic na, ‘O sandali na lang, pupunta na tayo sa Mendiola, dalhin niyo na ang mga lighter ninyo. That is one confirmation that they intend to burn the Palace… The capacity to burn the Palace is very difficult but the intent is there.”

Samantala, tiniyak ni PNP Chief General Melencio Nartatez Jr. na patuloy ang imbestigasyon upang tukuyin ang grupong nasa likod ng kaguluhan. Sinunog ng mga raliyista ang isang container van na nakaharang sa Ayala Bridge, ilang metro na lang mula Malacañang, at binato ang mga pulis na nagbabantay. Tinitingnan din ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang grupong Anonymous PH sa panawagang magsuot ng itim na maskara sa Setyembre 21 rally.

Sa hiwalay na ulat, iniulat ni Remulla na mas maraming pulis ang nasaktan kaysa sa mga raliyista. “None of the protesters were seriously hurt… by seriously, I mean that they would have to be hospitalized. The police got hurt more than the protesters,” aniya. Dagdag pa niya, “Nakakaawa po ang mga pulis natin. Binuhusan ng tubig galing sa kanal, binato ng hollow block, binato ng molotov cocktail. Gayunpaman, walang ginamit na dahas laban sa mga raliyista.”

Umabot sa 84 pulis ang nasugatan at dinala sa ospital, samantalang walang naitalang malubhang sugat sa mga raliyista. Tiniyak din ng DILG na maximum tolerance ang ipinamalas ng 4,000 pulis na ipinakalat sa Mendiola at Ayala Bridge, na walang dalang armas maliban sa mga naka-standby na miyembro ng SWAT.

Samantala, iniimbestigahan din ng Malacañang ang mga pahayag ni dating gobernador Luis “Chavit” Singson na hinihikayat umano ang mga kabataan, kabilang ang mga menor de edad, na lumikha ng pagkilos laban sa pamahalaan.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, “sa kanyang press conference sa San Juan, inakit niya ang mga kabataan lalo na ang mga high school students, college students na karamihan ay mga menor de edad na huwag pumasok sa paaralan hanggang hindi bumababa ang mga taong gusto nilang pababain.”

Dagdag pa ni Castro, binanggit umano ni Singson na dapat payagan ng mga magulang ang mga kabataan na lumahok sa rebolusyon laban sa korapsyon. Dahil dito, pinag-aaralan kung maaari siyang maharap sa kasong inciting to sedition.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo