MAYNILA — Inatasan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga opisyal ng ahensiya sa Davao Occidental na magpaliwanag kaugnay ng umano’y ghost project na nagkakahalaga ng P96.5 milyon.
Naglabas ng magkahiwalay na show-cause orders si DPWH Secretary Vince Dizon laban kay Juby Cordon, regional director ng DPWH-Davao, at kay Rodrigo Larete, district engineer ng Davao Occidental engineering office. Pinagpapaliwanag sila tungkol sa Culaman Bridge flood control project sa bayan ng Jose Abad Santos, na naideklara nang nakumpleto at bayad na noong 2022, ngunit tatlong linggo pa lamang umano ang totoong pagsisimula.
Matatandaang personal na ininspeksiyon nina Dizon at dating Independent Commission for Infrastructure (ICI) special adviser at kasalukuyang Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang proyekto. Sa kanilang pagbisita, nagpakita ng matinding galit si Dizon nang madiskubre ang naturang iregularidad.
Natukoy rin na ang proyekto ay in-award sa St. Timothy Construction Company, na pagmamay-ari ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya. Ang mag-asawa ay iniimbestigahan na rin dahil sa pagkakasangkot sa iba pang maanomalyang flood control projects sa bansa.
Binigyan ni Dizon ng limang araw sina Cordon at Larete upang magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kasong administratibo dahil sa posibleng paglabag sa umiiral na mga batas at regulasyon.
ICI: Walang livestream sa mga pagdinig, tiniyak na balanse sa transparency at karapatan
Samantala, sinabi ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na kasalukuyan itong hindi nagla-livestream ng kanilang mga pagdinig, sa kabila ng panawagan ng publiko para sa mas malawak na transparency.
“The initial hearings, so far, are for purposes of case buildup for criminal, civil, and administrative action. These cases will then be eventually referred to the appropriate agency for action, such as the ombudsman,” ayon kay ICI executive director Brian Keith Hosaka.
Paliwanag niya, iniiwasan ng komisyon ang “trial by publicity” at hindi nito papayagang magamit ang imbestigasyon para sa anumang pampulitikang interes. Dagdag pa ni Hosaka, tatalakayin ng komisyon ang posibilidad ng livestream upang makahanap ng “solution that will both balance the request for more transparency and the protection of individual rights.”
Tiniyak din niya na ang gawain ng ICI ay magiging “surgical and deliberate,” at ang tunay na may pananagutan ay ihaharap sa hustisya gamit ang matibay na ebidensya at alinsunod sa batas.
Itinatag ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre 11. Layunin nitong imbestigahan ang mga anomalya sa flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura sa nakalipas na sampung taon.
Pinamumunuan ito ni retired Supreme Court Justice Andres Reyes Jr., kasama ang dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson at SGV & Co. country managing partner Rossana Fajardo. Si Hosaka, na kasalukuyang komisyoner sa Governance Commission para sa GOCCs, ang nagsisilbing executive director ng ICI.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






