ITCZ magdadala ng ulan sa Mindanao, bagyong Halong patuloy na mino-monitor

0
851

MAYNILA – Magiging maulan sa ilang bahagi ng Mindanao ngayong Lunes dahil sa epekto ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa ulat ng ahensya, makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Zamboanga Peninsula at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bunsod ng ITCZ isang belt kung saan nagtatagpo ang mga hangin mula sa hilaga at timog hemisphere.

Babala ng PAGASA, ang katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan ay maaaring magdulot ng flash floods o pagguho ng lupa.

Samantala, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng pangkalahatang maayos na panahon na may bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan at mga pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa localized thunderstorms. Posible rin ang flash floods o landslides sa panahon ng matinding thunderstorm.

Inaasahang magiging banayad hanggang katamtaman ang pag-alon sa lahat ng baybaying dagat.

Kasabay nito, patuloy ring mino-monitor ng ahensya ang Severe Tropical Storm Halong na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa datos ng PAGASA kaninang alas tres ng madaling-araw, tinatayang nasa 2,105 kilometro silangan-hilagang silangan ng Extreme Northern Luzon ang sentro ng Halong, na may taglay na pinakamalakas na hangin na 100 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 125 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-hilagang kanluran nang mabagal.

“Less likely ito na pumasok ng ating Philippine Area of Responsibility… pero in the event na pumasok man ito ng PAR, ang ibibigay nating local name para sa bagyong ito ay Quedan,” ani PAGASA weather specialist Daniel James Villamil sa isang public weather forecast.

Kung sakaling pumasok ang Halong sa PAR, ito ay dadaan lamang sa pinakahilagang bahagi ng boundary ng bansa.

Dagdag pa ni Villamil, walang magiging direktang epekto ang Halong sa lagay ng panahon at karagatan ng Pilipinas sa mga susunod na araw dahil mananatiling malayo ang sentro nito sa bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo