7 patay, halos 800 aftershocks naitala matapos ang 2 lindol sa Davao Oriental

0
3060

MATI, Davao Oriental — Pitong katao ang iniulat na nasawi matapos ang magkasunod na lindol na tumama sa Davao Oriental noong Biyernes, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado.

Ayon sa ulat, lahat ng nasawi ay mula sa Region 11, ngunit nananatiling “for validation” ang mga ito. Labing-isa naman ang naiulat na sugatan sa parehong rehiyon, habang wala namang naitalang nawawala.

Nakapaglikas din ng 1,265 indibidwal o katumbas ng 331 pamilya sa Region 11 bilang bahagi ng preemptive evacuation. Samantala, umabot sa 8,436 indibidwal o 3,519 pamilya ang naapektuhan sa dalawang rehiyon, dalawang lalawigan, apat na lungsod at bayan, at siyam na barangay. Sa bilang na ito, 7,915 katao o 2,468 pamilya ang kasalukuyang nasa mga evacuation center.

Naitala rin ng NDRRMC ang 33 bahay na nasira, lima rito ang tuluyang gumuho, sa mga rehiyon ng Davao at CARAGA. Pitong bahagi ng kalsada at tatlong tulay ang naapektuhan; lima sa mga kalsada at isa sa mga tulay ang hindi pa madaanan hanggang Sabado ng umaga.

Apektado rin ang pitong pantalan, kung saan 47 pasahero ang na-stranded. Sa limang lungsod at bayan na nawalan ng kuryente, apat ang naibalik na ang suplay. Samantala, labindalawang lokalidad ang nawalan ng linya ng komunikasyon ngunit agad itong naibalik sa normal ngayong Sabado.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumama ang unang lindol na may lakas na magnitude 7.4 sa karagatan ng Manay, Davao Oriental, bandang 9:43 a.m. noong Biyernes. Sinundan ito ng isa pang lindol na may magnitude 6.8 bandang 7:12 p.m. ng parehong araw.

Nilinaw ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na hindi aftershock ang pangalawang lindol kundi bahagi ng tinatawag na “doublet.” Aniya, “A doublet earthquake means two closely timed quakes happening nearby. They happen in the same area but have different epicenters and strengths.”

Naramdaman ang Intensity V sa mga bahagi ng Davao de Oro, Davao del Norte, Davao City, Davao Occidental, Davao Oriental, Cotabato, Sarangani, South Cotabato, General Santos City, Butuan City, at Surigao del Norte. Sa pangalawang lindol naman, Intensity VI ang naitala sa bayan ng Manay, Davao Oriental.

Batay sa datos ng PHIVOLCS, umabot na sa 792 aftershocks ang naitala hanggang alas-7 ng umaga ng Sabado, kung saan 331 ang na-plot at 13 ang naramdaman ng mga residente. Ang lakas ng mga aftershock ay nasa pagitan ng magnitude 1.2 hanggang 5.8.

Dahil sa pinsalang dulot ng magkasunod na lindol, idineklara ng lokal na pamahalaan ng Manay, Davao Oriental ang state of calamity sa kanilang bayan. Ilang probinsya at lungsod sa Davao Region ang nagdeklara rin ng suspensyon ng klase at trabaho nitong Sabado, Oktubre 11, 2025, habang nagpapatuloy ang mga aftershock at assessment sa pinsala.

Dahil sa pinsalang dulot ng magkasunod na lindol, idineklara ng lokal na pamahalaan ng Manay, Davao Oriental ang state of calamity sa kanilang bayan.
Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo