MAYNILA —Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala siyang kinalaman sa mga iniimbestigahang iregularidad sa mga flood control project ng pamahalaan, at sinabing pulitikal umano ang motibo ng mga batikos laban sa kanya.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, tinanong si Marcos hinggil sa mga pahayag na ang imbestigasyon sa mga proyekto sa flood control ay hahantong sa kanya, dahil siya ang lumagda sa pambansang badyet at nagtalaga ng mga opisyal na maaaring sangkot sa mga anomalya.
“On this I’m confident that whatever mud might be slung at the administration, that we will be able to show that these are politically motivated and do not actually have any validation in fact,” ayon sa Pangulo.
Binigyang-diin ni Marcos na wala siyang itinatago at iginiit na ang mga nasa oposisyon ay nagnanais lamang siyang mapatalsik.
“Wala naman tayong tinatago… I know that there are several – the opposition would love to bring me to this – to include me in all of this. But that’s politics,” wika ni Marcos. “That is not to do about corruption. That is to do about politics. Gusto nila akong tanggalin,” dagdag pa niya.
Nauna nang iginiit ng Malacañang na “blameless” si Marcos sa mga isyung may kaugnayan sa mga anomalya sa flood control projects.
Matatandaang sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, nangako ang Pangulo na papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno na kumita sa mga proyekto ng imprastruktura, kabilang ang mga flood control project.
Sa pamamagitan ng isang executive order, bumuo si Marcos ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang siyasatin ang mga naturang iregularidad.
“I know what we did or did not do,” aniya. “So… we investigate. We investigate everybody. We follow the evidence. And wherever that leads, it’s not something that we try to direct or influence. That’s why we have the ICI,” dagdag ng Pangulo.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





