Bagyong Ramil palabas ng PAR, Signal No. 1 nananatili sa anim na lugar sa Hilagang Luzon

0
292

MAYNILA — Mananatiling nakataas ang tropical cyclone wind signal No. 1 sa anim na lugar sa Hilagang Luzon habang inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Lunes ng umaga ang tropical storm Ramil, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa 5 a.m. tropical cyclone bulletin nitong Oktubre 20, sinabi ng PAGASA na si Ramil (international name: Fengshen) ay huling namataan sa layong 350 kilometro kanluran ng Sinait, Ilocos Sur, dakong 4 a.m.

Taglay ni Ramil ang lakas ng hanging umaabot sa 65 km/h malapit sa gitna at bugso ng hanggang 80 km/h. Ito ay kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h at may central pressure na 998 hPa.

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang bagyo sa paggalaw nito patungong kanluran-hilagang-kanluran sa bahagi ng West Philippine Sea at tuluyang lalabas ng PAR ngayong Lunes ng umaga. Posible rin itong lumakas habang nasa dagat at umabot sa kategoryang severe tropical storm pagkalabas ng bansa.

Nananatiling nakataas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar sa Hilagang Luzon, kung saan maaaring maranasan ang hanging 39 hanggang 61 km/h at mga paminsang pag-ulan sa loob ng 36 oras:

  • Ilocos Norte
  • Ilocos Sur
  • La Union
  • Hilaga at kanlurang bahagi ng Pangasinan (Sual, Mabini, Dasol, Burgos, Agno, Bani, Bolinao, Alaminos City, Anda, Infanta, Labrador, Lingayen, San Fabian, Dagupan City, Binmaley, Bugallon, Sison, Mangaldan, San Jacinto, at Pozorrubio)
  • Abra
  • Kanlurang bahagi ng Benguet (Bakun, Kibungan, Kapangan, Tublay, La Trinidad, Baguio City, Tuba, at Sablan)

Nauna nang naglabas ang PAGASA ng storm surge warning sa mga mabababang baybaying lugar ng Bataan, La Union, Pangasinan, at Zambales dahil sa epekto ng bagyo.

Samantala, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cavite, Batangas, Laguna, Rizal, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Palawan dulot ng trough ng papalabas na bagyo.

Ang nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng easterlies. Sa ibang bahagi ng bansa, maaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may mga isolated thunderstorms dahil sa mga localized thunderstorms.

Moderate hanggang malakas na hangin ang mararanasan sa Hilagang Luzon, kung saan ang kondisyon ng karagatan ay moderate to rough. Samantala, magiging banayad hanggang katamtaman ang hangin sa nalalabing bahagi ng bansa, na may slight to moderate na karagatan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo