EXPLAINER: Pilipinas, magpapalawak ng paggamit ng natural gas at renewable energy

0
388

Habang patuloy na tumataas ang pangangailangan sa kuryente, inihayag ng Department of Energy (DOE) na palalakasin ng Pilipinas ang produksyon ng natural gas at renewable energy bilang bahagi ng paglipat mula sa matagal na pag-asa sa coal bilang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya.

Ayon sa ulat ng Reuters, ito ang unang pagkakataon sa loob ng 17 taon na posibleng bumaba ang paggamit ng coal sa bansa. Kasabay nito, tumataas ang paggamit ng mas malinis at episyenteng alternatibo tulad ng solar, wind, at natural gas.

Tinatayang tataas ng 6 hanggang 7 porsiyento kada taon ang demand sa kuryente hanggang 2030, bunga ng mabilis na paglago ng populasyon at ekonomiya. Dahil dito, kailangang matiyak ng bansa ang matatag at maaasahang pinagkukunan ng enerhiya upang maiwasan ang power shortage at pagtaas ng singil sa kuryente.

Kabilang sa mga plano ng DOE ang pagtatayo ng karagdagang gas-fired power plants at pagpapalawak ng mga solar at wind farm sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Target ng pamahalaan na maabot ang 35 porsiyentong bahagi ng renewable energy sa kabuuang power generation mix pagsapit ng 2030, at 50 porsiyento pagdating ng 2040.

Sa kasalukuyan, higit 60 porsiyento ng power mix ng bansa ay mula sa coal. Inaasahang bababa ito habang unti-unting pumapasok ang mga environment-friendly na alternatibo. Gayunman, nananatiling hamon ang mataas na gastos sa transition at ang modernisasyon ng transmission systems at imprastraktura.

Ayon sa mga eksperto, posibleng maging mas matatag ang suplay ng kuryente sa mga darating na taon, at sa kalaunan ay bumaba ang presyo nito kapag mas mura na ang operational cost ng renewable energy.

Bagaman may posibilidad ng pansamantalang pagtaas ng gastos sa unang yugto ng transition, nakikita ng mga opisyal na ito ay mahalagang hakbang tungo sa mas malinis, ligtas, at maaasahang enerhiya para sa bawat Pilipino. 

Kaugnay nito, may mga grupo at residente na nagpahayag ng pagtutol sa ilang proyektong wind farm. Sa Quezon, tinututulan ng mga environmental at community group ang planong pagtatayo ng wind farm sa paligid ng Mount Banahaw dahil umano ito ay nasa loob ng isang protektadong pook na may mahalagang biodiversity at espiritwal na halaga.

Sa Calbayog City, Samar, umalma rin ang mga residente laban sa planong 37 wind turbines na nakatakdang itayo sa isang watershed area. May mga pangamba rin sa Ilocos Norte kung saan umaaray ang mga mangingisda na maaaring maapektuhan ang kanilang kabuhayan sa mga planong offshore wind project sa Bangui Bay.

Sa Rizal, nanawagan naman ang mga tagapagtanggol ng kalikasan na ihinto ang wind project sa Masungi Georeserve dahil ito ay sakop ng isang conservation area na tahanan ng maraming uri ng hayop at halaman.

Ipinapakita ng mga kasong ito na bagama’t suportado ng marami ang paglipat sa malinis na enerhiya, nananatiling hamon ang tamang pagpili ng lokasyon, malinaw na konsultasyon sa mga komunidad at pagsunod sa mga batas pangkalikasan.

Ayon sa DOE, mananatiling mahalaga ang natural gas sa pansamantalang panahon upang masigurong hindi magkulang ang suplay ng kuryente habang pinapalakas ang kapasidad ng renewable energy.

Sa pangmatagalan, inaasahan na ang mas malinis na pinagkukunan ng enerhiya ay magdudulot ng mas matatag na suplay at posibleng mas abot-kayang singil sa kuryente. Subalit nananatiling mahalaga ang balanseng pagpapatupad upang maging patas sa kalikasan, sa mamamayan at sa ekonomiya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.