Uwan maaaring maging super typhoon, eksperto nagbabala sa malawak at mapanganib na epekto

0
2141

MAYNILA – Ang Typhoon Uwan na inaasahang aabot sa super typhoon category sa loob ng 24 oras, ay nagbabanta ng malawak at mapanganib sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa mga eksperto at pinakahuling ulat ng PAGASA.

Pumasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility noong Biyernes ng gabi, Nobyembre 7, at patuloy ang paglakas nito. Mula sa typhoon category nitong Biyernes, posibleng maging super typhoon pagsapit ng Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.

Ayon kay Glenn Banaguas, climate change at disaster risk expert, hindi lamang laki ang panganib kay Uwan kundi ang lawak, lakas, at tagal ng magiging epekto nito.

Ayon sa Office of Civil Defense, umaabot sa 700 kilometro ang radius ng bagyo, o 1,400 kilometro ang diameter, na maaaring umabot mula Batanes hanggang Bohol.

Batay sa mga bulletin ng PAGASA, taglay ni Uwan ang maximum sustained winds na 120 hanggang 130 km/h at gustiness na 150 hanggang 160 km/h.

Hindi lamang hangin ang bantang dala ni Uwan. Ayon kay Banaguas, posibleng magdala ang bagyo ng lmpas sa 200 millimeters na ulan, sapat para magdulot ng pag-apaw ng ilog, pagguho ng lupa, at matinding pagbaha.

Inaasahan ang heavy to intense rainfall sa Aurora, Nueva Ecija, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Zambales, Tarlac, at Pangasinan.

Metro Manila at karatig lalawigan ay makakaranas ng 100 to 200 mm na ulan, habang 50 to 100 mm ang inaasahan sa mga bahagi ng Bicol at Mimaropa.

Dahil sa mabagal na galaw ni Uwan, nagbabadya ito ng prolonged rainfall na maaaring magpabagsak ng mga kalsada, magpahina ng imprastraktura, at magpalubog sa mga barangay.

Nagbabala ang PAGASA ng storm surge na aabot sa higit 3 metro sa mabababang baybaying lugar ng Isabela, Aurora, Quezon including Polillo Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Northern Samar, at Eastern Samar.

Nananatili rin ang gale warning sa northern at eastern seaboards ng Luzon at eastern seaboard ng Visayas.

Areas under Signal No. 2 at 1

Signal No. 2
Catanduanes, malaking bahagi ng Northern Samar, hilagang bahagi ng Samar, at hilagang Eastern Samar.

Signal No. 1
Kabilang dito ang malaking bahagi ng Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Mimaropa, marami sa Eastern Visayas at Central Visayas, pati na ang ilang bahagi ng Mindanao gaya ng Dinagat Islands at Surigao del Norte.

Posibleng landfall

Inaasahang tatama ang sentro ni Uwan sa southern Isabela o northern Aurora sa Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw. Tatawirin nito ang kabundukan ng Northern Luzon bago tumawid sa West Philippine Sea.

Mananatili itong typhoon kahit humina dahil sa terrain interaction.

Paano dapat maghanda

Ayon kay Banaguas, kailangang samantalahin ang kasalukuyang maayos na panahon upang maghanda.

  1. Siguraduhin ang bahay. Italì at iligpit ang anumang maaaring liparin ng hangin, palakasin ang bintana at tingnan ang bubong.
  2. I-charge ang lahat ng kagamitan. Telepono, radyo, flashlight, power bank.
  3. Maghanda ng suplay. Ready-to-eat na pagkain, malinis na tubig, gamot, hygiene items para sa tatlong araw.
  4. Alamin ang evacuation plan. Lumikas agad kung malapit sa ilog, baybayin, o paanan ng bundok.
  5. Makipag-ugnayan sa komunidad. Tiyakin ang kalagayan ng matatanda at PWD.

Babala ng eksperto

“Maaaring takpan ni Uwan ang malaking bahagi ng bansa, ngunit ang tunay na hamon ay kung gaano natin ito kakayanin. Ang tanging paraan para malampasan ang ganoong saklaw ay maagang paghahanda at pagtutulungan,” ayon kay Banaguas.

Patuloy na magbibigay ng update ang Tutubi News Magazine habang lumalapit si Uwan sa bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo