Nagtalaga ang International Criminal Court o ICC ng bagong eksperto na sasali sa panel na magsasagawa ng pagsusuri sa kundisyong medikal ni dating pangulong Rodrigo Duterte upang matukoy kung kaya pa nitong harapin ang paglilitis.
Kasabay nito, binawi ng ICC ang appointment ng isa pang miyembro ng panel at inalis ang kanyang access sa mga dokumentong may kinalaman sa kaso ni Duterte.
Nakasaad ito sa desisyong inilabas ng ICC Pre-Trial Chamber I kaugnay ng hiling ng depensa na i-disqualify ang naturang eksperto. Inilabas ang public redacted version ng dokumento sa website ng ICC noong Nobyembre 14.
Noong Agosto, sinabi ng depensa sa ICC na ang 80 anyos na si Duterte ay wala na umano sa kapasidad na gamitin ang mga kinakailangang cognitive skills para maayos na maipagtanggol ang sarili at hindi na raw fit to stand trial.
Inatasan ng korte ang medical examination ni Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague dahil sa kasong crimes against humanity, kabilang ang murder at attempted murder, kaugnay ng mga namatay sa war on drugs noong siya ay Pangulo at dating alkalde ng Davao City.
Noong Setyembre 15, nagsumite ang ICC Registry ng listahan ng mga eksperto. Pagkaraan ng siyam na araw, nagtalaga ang korte ng tatlong eksperto, isang neurologist, isang forensic psychiatrist at isang neuropsychologist, upang suriin ang dating pangulo.
Noong Setyembre 25, hiniling ng depensa na bawiin ang appointment ng isang eksperto dahil sa umano’y aktibong suspension nito ng kanyang professional regulatory body. Noong Setyembre 30, humiling din ang prosekusyon ng pagbawi ng appointment ng isa pang eksperto. Nagpahayag naman ang Office of Public Counsel for Victims o OPCV na hinahayaan nila sa Chamber ang pagpapasya matapos makuha ang kinakailangang paglilinaw mula sa Registry.
Humingi ang Registry ng karagdagang eksperto sa neuropsychology at nagsumite ng shortlist noong Oktubre. Muling humiling ang depensa na bawiin ang appointment ng isa pang eksperto dahil sa parehong isyu ng suspension.
Matapos imbestigahan ang mga pangamba, sinabi ng ICC na ang kasalukuyang sitwasyon ng naturang eksperto at ang kabiguan nitong ipaalam ang kanyang kondisyon sa Registry ay nagpapakitang hindi angkop at imposibleng ipagpatuloy ang kanyang assignment sa panel. Idinagdag ng korte na ang pagpapanatili sa eksperto ay magdudulot lamang ng dagdag na litigasyon na magpapabagal sa proseso sa ilalim ng Rules 113 at 135.
Dahil dito, binawi ng Chamber ang appointment ng eksperto at inatasan ang Registry na alisin ang kanyang access sa mga dokumentong natanggap niya. Paalala ng ICC na nananatiling confidential ang anumang impormasyon na napasakamay ng naturang eksperto.
Nagpasiya ang korte na magtalaga ng kapalit na eksperto sa neuropsychology. Dahil hindi pa kabilang sa Court’s List of Experts ang bagong eksperto, inatasan ang Registry na agad ayusin ang kanyang admission bago Oktubre 24.
Panel reports due December 5
Pinalawig ng ICC Pre-Trial Chamber I ang deadline para isumite ng Registry ang joint o individual reports ng panel hanggang Disyembre 5, 2025. May hanggang Disyembre 12 naman ang depensa, prosekusyon at OPCV upang magsumite ng kanilang obserbasyon.
Inaresto si Duterte noong Marso dahil sa crimes against humanity na may kaugnayan sa libo-libong namatay sa kampanya kontra droga. Siya ay nakakulong sa Hague Penitentiary Institution o Scheveningen Prison habang hinihintay ang paglilitis.
Ayon sa police records, umabot sa 6,000 ang extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs, ngunit sinasabi ng human rights groups na posibleng umabot ito sa 30,000, kabilang ang vigilante killings.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





