Ang deklarasyon ng Sangguniang Panlungsod kay Executive Assistant Rick Jayson Tatlonghari bilang persona non grata ay hindi biglaang nangyari. Ito ay nag-ugat sa isyu hinggil sa ₱45-milyong kahilingan ni Mayor Najie Gapangada para sa Pamaskong Handog o Noche Buena package na nakalaan sa halos 85,000 pamilya sa lungsod ng San Pablo.
Noong sinabi na kailangan ng “karagdagang pagsusuri,” ang panukala ay posibleng maantala at hindi na umabot sa Pasko dahil sa 45-araw na posting period para sa bidding. Ipinagtanggol ni Tatlonghari ang mayor nang lantaran at ito ang naging mitsa ng buong political na kontrobersiya.
Hindi bago ang tensyon sa pagitan ni Tatlonghari at ng Sangguniang Panlungsod. Dati na siyang nagkaroon ng isyu sa konseho noong hindi kinumpirma ang kanyang posisyon bilang city administrator dahil sa pagiging “hindi taga-San Pablo” at dahil sa ilang pending na kaso laban sa kanya. Ang lumalalang sitwasyong ito ay naging backdrop sa kasalukuyang political drama. Bagaman at kilala si Tatlonghari bilang isang competent na opisyal na may sapat na edukasyon at karanasan para sa kanyang tungkulin.
Hindi inosente si Tatlonghari sa sitwasyong ito. Sa kanyang pagtatanggol ay nagpakita siya ng radikal at mainit na pananalita, na hindi na bago sa publiko. Sa paraan ng kanyang depensa, maaaring naipahiwatig niya na ang konseho ay nagtatagal, namumulitika, o hindi makatarungan. Kahit na ipinapahayag lamang niya ang frustrasyon ng administrasyon, mas lalo nitong pinainit ang eksena. Kung sa salitang San Pablo ay “bargas” ang kanyang dating, matalim at nakakagasgas lalo na kung balat-sibuyas.
Sa isang banda, dapat maging maingat ang mga opisyal sa kanilang pananalita. Ang mga pahayag ni Tatlonghari, kahit may batayan sa tunay na alalahanin sa operasyon, ay lumabas na confrontational. Sa usapin ng oras, logistics, at malaking badyet, mahalaga ang tamang komunikasyon. Kung may mali o kulang na paglalarawan, may karapatan ang konseho na humingi ng paglilinaw.
Ngunit mas masama ang tugon ng konseho. Pinili ng Sangguniang Panlungsod ang pinakamalalang tugon: ideklara siyang persona non grata. Hindi ito pormal na reklamo. Hindi ito hiling ng paglilinaw. Hindi ito administrative review. Hindi ito dialogo. Wala itong kwenta.
Ito ay simbolikong resolusyon lang na walang bisa sa batas, na mapapagkamalang may bahid ng pampulitikang layuning manghiya at hindi lutasin ang problema. Isa itong emosyonal na reaksyon na hindi nababagay sa pamamahala.
Kung tunay na hangad ng konseho ang transparency, dapat nilang hinarap ang mga isyung itinataas ni Tatlonghari, tulad ng: bakit matagal ang pag-apruba, ano ang kulang na dokumento o compliance, bakit hindi agad isinampa sa kabila ng predictability ng Pasko, at kung ginagamit lang ba ang 45-araw para ma-delay sa proseso. Sa halip, pinarusahan ang kritiko, iniwan ang problema.
Parehong silang nabigo sa kanilang constituents. Dito makikita ang kakulangan sa balanseng pamamahala. Dapat naipahayag ni Tatlonghari ang kanyang depensa nang hindi nag uudyok ng alitan. Maaaring maging matapang sa pananalita, pero may paggalang. Sa kabilang banda, ang konseho ay dapat tumugon gamit ang facts at dokumento, hindi sa pamamagitan ng persona non grata na wala namang nalutas.
Kapwa nag-ambag ang dalawang panig sa eksenang mas inuuna ang ego kaysa pamamahala. Ang tunay na isyu ay mga ina ng tahanan na umaasa at naghihintay ng mailuluto sa Christmas Eve. Ang buong drama ay walang value laban sa 85,000 pamilya na dapat tumanggap ng tulong. Gipit sila ngayong Pasko dahil sa magkakasunod na bagyo. Sa halip na ibuhos ang pansin sa maayos na pamamahagi ng pang noche buena sana, ang pamunuan ng lungsod ay nawala sa gitna ng pulitikal na intriga.
Sino nga ang talagang naapektuhan? Hindi si Tatlonghari. Hindi ang mga konsehal kundi ng mga tao. Ang mga pamilya na naghihintay ng Noche Buena package na hindi interesado sa pulitikal na alitan kundi sa pagkain sa kanilang hapag.
Karapat-dapat ang San Pablo sa mature at may disiplinang pamumuno. Nasusubok ang liderato sa gitna ng alitan, at mismong sa pagkakataong ito. Kailangan matutunan ni Tatlonghari ang disiplina ng isang senior executive staff. Kailangan matutunan ng konseho ang maturity na inaasahan sa mambabatas na marunong kumilos at magdesisyon ng mahinahon, may batayan, at walang ego.
Ang pampublikong serbisyo ay hindi teleserye. Ang persona non grata ay hindi tatak ng mahusay na pamamahala. At ang internal na hindi pagkakaunawaan ay hindi dapat maging sagabal sa paghahatid ng pangunahing serbisyo ng lungsod.
Karapat-dapat ang San Pablo sa mga opisyal na inuuna ang paglilinaw kaysa drama, pamilya kaysa politika, at katotohanan kaysa paghihiganti.
Ang deklarasyon kay Tatlonghari bilang persona non grata ay hindi nag-ayos sa ₱45-milyong isyu. Hindi nito pinabilis ang pamamahagi ng pamaskong pagkain. Hindi nito sinagot ang tanong ng publiko.
Ang tanging ipinakita nito ay mas malalim na suliranin ng pamahalaang lungsod na hindi nagkakaunawaan at tila napakagulo.
Karapat-dapat ang San Pablo sa mas mahusay na liderato. Nakaantabay ang mga botante.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






