MAYNILA – Ipinag-utos na sa mga oil company na sumunod sa itinakdang minimum at maximum na halaga ng gobyerno para sa paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa gitna ng idineklarang state of national energy emergency, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin noong Lunes.
Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni Garin na ang patakaran ay sang-ayon sa Executive Order No. 110 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagdedeklara ng national energy emergency.
“Because of that declaration, it triggered the additional powers from government to prescribe the price. Hindi tayo nagka-cap sa presyo mismo, pero kina-cap natin ‘yung adjustments,” ani Garin.
“So under that issuance, DOE is now subscribing to the price increase limitation. May limit na tayo, may minimum na tayo rollback tapos may maximum din tayo sa price increase. So both ways,” dagdag niya.
Batay sa anunsyo ng ilang kumpanya ng langis, epektibo ngayong Martes, Abril 21, 2026, bababa ang presyo ng diesel ng ₱24.94 kada litro, gasolina ng ₱3.41 kada litro, at kerosene ng ₱2.00 kada litro.
Ayon kay Garin, obligado ang iba pang oil companies na sumunod sa itinakdang price adjustments ng Department of Energy (DOE).
“‘Pag rollback siya, dapat kung P24.94 ‘yan dapat ‘yung rollback will be equal or more than the P24.94. So pwede siyang maging P25, pwede siyang maging P26, pero hindi siya pwedeng P20 lang. So kailangan sundan ng oil companies,” ani Garin.
“Pero ‘pag increase siya, ‘pag sinabi ng DOE na P10 lang halimbawa ang increase, hindi puwedeng sumobra,” dagdag niya.
Nauna dito ay nanawagan si Pangulong Marcos sa mga oil company na ipatupad nang buo at walang delay ang rollback sa presyo ng diesel at gasolina sa gitna ng inaasahang malaking bawas sa pump prices.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






