Lalong lumalakas si Verbena habang patungo sa west nothwest Philippine Sea

0
403

MAYNILA – Ang Tropical Storm Verbena ay patuloy na lumalakas habang kumikilos pa west northwest sa Philippine Sea, ayon sa PAGASA sa kanilang Tropical Cyclone Bulletin No. 17 na inilabas 5:00 AM ngayong Miyerkoles.

Kaninang alas kwatro ng umaga, tinukoy ang sentro ng bagyo sa layong 130 kilometro kanluran ng Coron, Palawan. Taglay nito ang maximum sustained winds na 85 km/h malapit sa gitna, pagbugsong hanggang 105 km/h, at central pressure na 992 hPa. Kumikilos ito pa west northwest sa bilis na 25 km/h.

Lumalawak hanggang 300 kilometro mula sa sentro ang saklaw ng malalakas hanggang gale-force winds.

TCWS No. 2 at No. 1, Nakataas

Nasa ilalim ng TCWS No. 2 ang Calamian Islands at ang extreme northern portion ng mainland Palawan kabilang ang El Nido at Taytay. Inaasahan dito ang gale-force winds sa loob ng 24 oras na may minor hanggang moderate na banta sa buhay at ari-arian.

Nasa TCWS No. 1 naman ang Occidental Mindoro at ang northern at central portions ng Palawan kabilang ang Dumaran, Roxas, San Vicente, Puerto Princesa City pati Cuyo at Kalayaan Islands. Asahan ang strong winds sa loob ng 36 oras na may minimal hanggang minor na banta.

Nagpaalala ang PAGASA sa posibleng malalakas na pag ulan dulot ng Shear Line at Verbena. Nasa Weather Advisory No. 25 ang kompletong detalye.

Nagbabala rin ang ahensya na maaaring maging mas malakas ang lokal na hangin lalo na sa baybayin at kabundukan. Posibleng maranasan ang minimal hanggang moderate na epekto mula sa malalakas na hangin sa mga lugar na may Wind Signal.

Lalakas din ang hangin dahil sa pagsanib ng Northeast Monsoon at Verbena, na magdadala ng strong hanggang gale-force gusts sa karamihan ng Luzon, Aklan, Antique, Capiz, at Negros Occidental ngayong araw. Bukas, maapektuhan ang Batanes, Cagayan, Isabela, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Zambales, Bataan, Metro Manila, Cavite, Occidental Mindoro, at Palawan.

Sa Laguna, bagama’t wala sa wind signal, posibleng maranasan ang mahangin at maaliwalas hanggang maulap na panahon na may mga pulo-pulong na pag-ulan dulot ng Northeast Monsoon at epekto ng bagyo. Pinapayuhan ang mga residente na maging alerto sa biglaang malalakas na pag-ulan at posibleng pagbaha sa mabababang lugar.

May umiiral na Gale Warning sa seaboards ng Northern Luzon at western seaboard ng Southern Luzon. Sa susunod na 24 oras, inaasahang magiging very rough seas ang mga baybayin ng Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kalayaan Islands, at bahagi ng Cagayan at Palawan na may taas ng alon na 4.5 hanggang 6 metro. Lubhang mapanganib ang paglalayag para sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat.

Rough seas naman ang inaasahan sa baybayin ng Isabela, Zambales, Aurora, Bataan, Occidental Mindoro, Polillo Islands, at Camarines Norte na may taas ng alon 3 hanggang 4 metro. Pinapayuhan ang maliliit na sasakyang pandagat na huwag pumalaot.

Moderate to rough seas ang mararanasan sa baybayin ng Camarines Sur, Catanduanes, Northern Samar, Albay, Sorsogon, Eastern Samar at ilang bahagi ng Palawan, Mindoro at Davao Oriental na may taas ng alon hanggang 2.5 metro.

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang paggalaw ng Verbena pa west northwest ngayong umaga bago ito lumihis pa kanluran at dadaan sa hilaga ng Kalayaan Islands ngayong hapon at gabi. Lalabas ito sa Philippine Area of Responsibility bukas ng umaga, bago kumilos pa west southwest hanggang Biyernes ng umaga. Pagkatapos nito, posibleng tumungo ang bagyo pa northwest at north northwest papuntang silangang bahagi ng Vietnam.

Posible ring umabot sa severe tropical storm category ang Verbena ngayong hapon at magpapatuloy ang pag-intensify hanggang bukas dahil sa kanais nais na kondisyon. Inaasahan ang paghina nito matapos ang paglabas ng PAR dahil sa Northeast Monsoon surge.

Hinimok ng PAGASA ang publiko at mga lokal na DRRM offices na magsagawa ng lahat ng kinakailangang pag iingat. Pinapayuhan ang mga nakatira sa high risk areas na sundin ang evacuation at iba pang tagubilin ng lokal na pamahalaan.

Ang susunod na tropical cyclone bulletin ay ilalabas 11:00 AM ngayong araw.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo