Tubig ang usapan, pero pulitika ang dumadaloy

0
1262

Sa bakbakan sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng San Pablo at ng San Pablo City Water District (SPCWD), malinaw na may mga lehitimong isyu ngunit mas malinaw na ang usaping tubig ay nilalason ng pulitika, kahinaan sa pamamahala, at kakulangan sa komunikasyon.

Una, mahalagang bigyang-diin ang mga punto ng LGU:

  • Ang umano’y 30,000 kabahayang walang koneksyon sa tubig ay seryosong usapin. Ngunit agad itong itinanggi ni SPCWD Chairman Manansala. Ayon sa kanya, hindi raw totoo ang bilang na ito at karamihan daw sa sinasabing “walang koneksyon” ay hindi kwalipikado—sapagkat sila ay informal settlers, wala sa pangalan nila ang lupa, o may legal na balakid sa pagkuha ng serbisyo. Totoo man o hindi ang eksaktong bilang, ang nananatiling katotohanan ay libo-libong pamilya pa rin ang dumaranas ng hirap sa pagkuha ng tubig. At kung hindi kwalipikado ang mga ito dahil sa tenure issues, dapat bang isantabi ang kanilang pangangailangan? Ang tubig ay public necessity, hindi dapat nagiging collateral damage sa problema sa lupa.
  • Ang P83 milyong subsidiyang ibinayad ng LGU para sa naluging Bulk Water Project sa Brgy. San Rafael ay isang malinaw na pagkakamali sa pamamahala. Pondo ito ng taumbayan; anumang pagkalugi ay dapat may malinaw na paliwanag at pananagutan.
  • Ang isyu ng hindi pagbabayad ng SPCWD sa utang na dapat ay sila mismo ang sumasagot, pero LGU ang nagbabayad, ay hindi simpleng “technical issue.” Ito ay obligasyon na may direktang epekto sa budget ng lungsod.

Pangalawa, nagpasiklab lalo ng tensyon ang hindi pagdalo ng assistant general manager sa pulong na ipinatawag ng LGU, lalo na’t nangangailangan ito ng malinaw at executive-level na paliwanag. Ang general manager ay kamakailan lamang pumanaw, kaya ang assistant general manager ang nararapat na humarap bilang opisyal na namumuno sa operasyon. Ayon kay Manansala, ipinadala nila ang mga department head dahil “policy-making” lamang daw ang trabaho ng board. Ngunit ang hindi pagbanggit kung bakit hindi dumalo ang assistant GM ay nag-iwan ng malaking tanong at lalo pang nagpataas ng pangamba tungkol sa accountability ng SPCWD.

Pangatlo, noong umupo si Chairman Manansala sa live broadcast upang idepensa ang SPCWD at sinabing “maling impormasyon” ang ipinapakain umano sa mayor ay patunay ito ng kahinaan sa komunikasyon sa pagitan ng dalawang institusyon. Kung may epektibong channel of communication, hindi na sana ito inaabot sa social media at public spectacle.

Pang-apat, malinaw na may pulitikal na ugat ang lahat ng ito. Ang board ng SPCWD, kabilang si Manansala, ay appointees ng nakaraang administrasyon at magtatagal hanggang 2029. Sa kabilang banda, tila ginagawang entry point ng kasalukuyang LGU ang mga isyu sa serbisyo upang bigyang-diin ang pangangailangan para sa reporma. Sa halip na solusyon, nagbabanggaan ang dalawang kapangyarihan at ang mamamayan ang naiipit.

Dahil bagong upo pa lang ang mayor, hindi maaaring sabihin na may “kakulangan sa matagalang oversight.” Mas angkop na kilalanin na namana ng kasalukuyang administrasyon ang problema, pero may strategic oversight gaps pa rin na kailangang niyang punuan ngayon.

Ang SPCWD ay may malinaw na isyu sa transparency, responsiveness, at kakayahang magpaliwanag sa publiko sa isyu ng koneksyon, utang, at naluging proyekto. Dapat silang magpaliwanag ng may konkretong batayan.

Idinagdag pa ni Manansala ang diumano ay nakita niya ang ₱1 bilyong alokasyon sa proposed budget ng LGU para sa pagtatayo ng bagong bulk water project na gagamitin daw sa agro-economic zone na itatatag. Legal namang may kapangyarihan ang LGU na mag-develop ng water sources at pumasok sa bulk water supply projects hangga’t hindi nito inaagaw ang tungkulin ng Water District sa distribution. Gayunpaman, dahil sa laki ng halagang ito at sa kasalukuyang tensyon sa pagitan nila at ng SPCWD, ang ganitong obserbasyon ay nagbubukas ng tanong: sapat ba ang transparency at feasibility ng plano?

Ang LGU, bagama’t bagong administrasyon, ay nahaharap sa hamon ng pagsasaayos ng matagal nang naipong problema. Ngunit mahalagang bigyang-diin na dapat maging maingat ang alkalde sa pagtanggap at pagproseso ng impormasyon. Hindi sapat na umasa lamang sa sinasabi ng kaniyang mga tauhan, lalo’t may posibilidad na ang ilan ay may pansariling interest o personal na agenda. Sa isang isyung kasingbigat ng serbisyo-publiko, ang bawat datos ay dapat dumaan sa masusing beripikasyon, hindi sa pulitikal na bulungan.

Habang nagpapaikot-ikot ang dalawang kampo sa salamin ng pulitika, ang mga pamilyang walang tubig ang siyang tunay na talo.

Kung nais talagang maresolba ang isyu, hindi para sa kredito, hindi para sa kapangyarihan, kundi para sa serbisyo. Kailangang magbalik sila sa batayang prinsipyo ng pamamahala: transparency, collaboration, at public accountability. Ang lahat ay dapat nakaangkla sa tunay na pangangailangan ng taumbayan.

Kung tutuusin, kung nasa iisang bangkang pulitikal ang LGU at ang SPCWD board, malamang ay hindi aabot sa ganitong patutsadahan. Ngunit sa kabilang banda, may mabuting naidudulot ang pagkakaroon nila ng magkahiwalay na interes. Nagkakaroon ng tunay na check and balance sa paggamit ng pondo, pag-apruba ng proyekto, at paghawak ng kritikal na serbisyo. Ang problema lamang ay kapag ang pulitikal na banggaan ay umaabot sa puntong nasasakripisyo na ang serbisyong dapat ay direkta at walang patid na ibinibigay sa taumbayan.

Ang tungkulin ng pamahalaan ay magsilbi para sa pangkalahatang kabutihan, hindi para sa pride ng institusyon o pansariling interes. Ayon sa Common Good Principle ni St. Thomas Aquinas, obligasyon ng LGU at SPCWD na magtulungan dahil ang tubig at kapakanan ng publiko ay isyung pangkalahatan.

Sa ilalim ng Social Contract Theory, ibinibigay ng mamamayan ang kapangyarihan sa kanilang lider kapalit ng serbisyo, kaayusan, responsibilidad, at proteksyon ng pampublikong kapakanan. Kapag tumatanggi ang LGU o SPCWD na kumilos, dumalo sa pulong, o managot sa mamamayan, nilalabag nila ang social contract sa San Pableños.

Ang tubig ay pag-aari ng mga mamamayan, at ang kapangyarihan sa pamahalaan ay mula sa kanila rin. Ang stewardship ay nangangailangan ng transparency, kooperasyon, at responsableng pamamahala. Kung nag-aaway o umiiwas sa solusyon, nabibigo silang gampanan ang tungkulin bilang tagapangalaga.

Ayon sa Doctrine of Public Accountability, ang pampublikong opisina ay tiwala ng mamamayan. Ang opisyal ng LGU o SPCWD ay dapat managot sa mamamayan, hindi sa sarili nilang posisyon, alyansa, o institusyon. Ang mandato nila ay nagpapatuloy, walang kinikilingan, at hindi puwedeng itago sa likod ng nakaraang administrasyon.

Panahon na para unahin ang mamamayan kaysa sa pulitika o hidwaan ng institusyon.

Hangga’t hindi nag-uusap nang harapan, tapat, at may tunay na hangaring umaksyon, mananatiling marumi at malabo ang agos ng tubig sa San Pablo, hindi dahil sa kalidad ng suplay, kundi dahil sa pulitikang bumabara sa daluyan.

Public service is a sacred duty. The devil is in the terms and conditions.

Editor’s note: Ang “Brgy. San Roque” na unang nabanggit sa artikulo ay itinama bilang “Brgy. San Rafael,” ang aktuwal na lokasyon ng Bulk Water Project, noong 27 Nobyembre 2025, 5:00 n.h.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.