MAYNILA – Itinaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa 27 lugar ngayong Sabado ng umaga habang papalapit ang Tropical Depression Wilma, na inaasahang tatama sa lupa sa Eastern Visayas ngayong araw.
Sakop ng TCWS No. 1 ang Sorsogon, Masbate kabilang ang Ticao at Burias Islands, at Romblon. Kabilang din dito ang katimugang bahagi ng Oriental Mindoro gaya ng Bulalacao, Mansalay, Roxas at Bongabong, at ang katimugang bahagi ng Occidental Mindoro tulad ng Magsaysay, San Jose, Rizal at Calintaan. Nakataas din ang signal sa pinakahilagang bahagi ng Palawan kabilang ang Araceli, Dumaran, El Nido at Taytay, gayundin ang Cuyo at Calamian at Cagayancillo Islands.
Sa Eastern Visayas at karatig na lugar, kabilang sa mga nasa ilalim ng Signal No. 1 ang Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte at Southern Leyte. Sa Central Visayas, apektado ang Cebu kabilang ang Bantayan at Camotes Islands, pati na ang Bohol, Negros Occidental at Siquijor. Sa Negros Oriental, sakop nito ang hilaga at gitnang bahagi tulad ng Guihulngan, Canlaon City, Vallehermoso, La Libertad, Jimalalud, Tayasan, Ayungon, Bindoy, Manjuyod, Bais City, Pamplona, Tanjay City, Amlan, San Jose, Dumaguete City, Valencia, Sibulan, Bacong, Mabinay, Bayawan City at Basay.
Kabilang din sa listahan ang Guimaras, Iloilo, Capiz, Aklan at Antique. Sa Mindanao, apektado ang Surigao del Norte kabilang ang Siargao at Bucas Grande Islands, pati na ang Dinagat Islands. Nasa Signal No. 1 rin ang hilagang bahagi ng Surigao del Sur tulad ng Carrascal, Cantilan, Madrid, Carmen at Lanuza, gayundin ang hilagang bahagi ng Agusan del Norte kabilang ang Kitcharao, Jabonga, Santiago, Tubay, Cabadbaran City, Remedios T. Romualdez at Magallanes, at ang lalawigan ng Camiguin.
Ayon sa PAGASA, mararanasan sa mga lugar na ito ang malalakas na hangin na 39 hanggang 61 km/h sa loob ng 36 oras, na posibleng magdulot ng minimal hanggang bahagyang banta sa buhay at ari-arian.
Alas 7 ng umaga, namataan ang sentro ng Wilma sa layong 70 km silangan ng Borongan City, Eastern Samar. Taglay nito ang lakas ng hanging 45 km/h malapit sa sentro at bugso na hanggang 55 km/h, habang ang central pressure ay nasa 1004 hPa. Kumikilos ito pakarapa nang mabagal, at ang lakas ng hangin ay umaabot hanggang 220 km mula sa sentro.
Batay sa forecast track, posibleng gawin ni Wilma ang initial landfall sa Eastern Visayas ngayong araw. Pagkatapos ay inaasahang tatawirin nito ang Visayas hanggang bukas, 07 December, bago lumabas sa Sulu Sea at posibleng dumaan sa hilagang bahagi ng Palawan pagsapit ng Lunes ng umaga, 08 December, ayon sa PAGASA.
Samantala, inaasahang makararanas ang Metro Manila at CALABARZON ng maulap na kalangitan na may kalat kalat na pagulan at thunderstorm bunsod ng trough ni Wilma. Maaaring magdulot ito ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na mababa at bulubundukin.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





