Ulan at sama ng panahon sa holiday Monday, apektado ang ilang bahagi ng bansa

0
306

MAYNILA – Inaasahang makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na ulan ang ilang bahagi ng Luzon ngayong Lunes, araw ng special non working holiday, dahil sa low pressure area o LPA na dating Tropical Depression Wilma at sa shear line, ayon sa PAGASA.

Nananatiling LPA si Wilma matapos humina noong Linggo ng umaga. Huling namataan ito sa coastal waters ng Kalibo, Aklan pasado 8 p.m. noong Linggo.

Sa 11 p.m. advisory, sinabi ng state weather bureau na magdadala ang LPA ng 50 hanggang 100 mm na ulan sa Oriental Mindoro, Marinduque at Romblon mula Linggo ng gabi hanggang Lunes ng gabi.

Ayon pa sa PAGASA, magdadala rin ng kaparehong dami ng ulan ang shear line sa Quezon, Isabela, Aurora, Laguna, Batangas, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Albay sa parehong panahon.

Aabot sa mahigit 134,000 indibidwal sa pitong rehiyon, kabilang ang Bicol Region, Western Visayas, Negros Island, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao at Caraga, ang naapektuhan ng epekto ni Wilma at ng shear line.

Ngayong Lunes, huling araw ng long weekend dahil sa pagdiriwang ng Feast of the Immaculate Conception of Mary, inaasahan pa ring magpapatuloy ang sama ng panahon.

Samantala, apat na weather system ang magpapaulan sa iba pang bahagi ng bansa sa Lunes, Disyembre 8. Sa 4 a.m. public weather forecast, sinabi ng PAGASA na ang LPA na dating si Wilma ay namataan sa coastal waters ng Culasi, Antique noong 3 a.m.

Inaasahang makakaranas ng maulap na kalangitan na may scattered rains at thunderstorms ang MIMAROPA at Western Visayas dahil sa LPA, at posible ang moderate hanggang heavy rains na maaaring magdulot ng flash floods o landslides.

Apektado ng shear line ang silangang bahagi ng Central at Southern Luzon, habang ang Northeast Monsoon o Amihan ay nakakaapekto sa nalalabing bahagi ng Luzon.

Magiging maulap na may scattered rains at isolated thunderstorms ang Cordillera Administrative Region at mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora at Quezon dahil sa shear line.

Makakaranas naman ng maulap na kalangitan na may pag ulan ang Metro Manila, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley at Central Luzon dahil sa Amihan. Ang Ilocos Region ay magkakaroon ng partly cloudy to cloudy skies na may isolated light rains.

Sa Bicol Region, maulap na may scattered rains at isolated thunderstorms ang inaasahan dahil sa easterlies. Ang Mindanao at nalalabing bahagi ng Visayas ay magkakaroon ng partly cloudy to cloudy skies na may isolated rainshowers o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.

Inaasahan ang malalakas hanggang gale like winds at rough to very rough coastal waters sa silangang bahagi ng Luzon. Katamtaman hanggang malakas na hangin at moderate to rough seas naman sa nalalabing bahagi ng Luzon. Sa Visayas at Mindanao, light to moderate winds at slight to moderate seas ang mararanasan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo