Déjà vu ang tawag sa kakaibang pakiramdam na parang naranasan mo na ang isang sitwasyon, kahit alam mong ngayon pa lang ito nangyayari. Parang pamilyar ang lahat: ang mga eksena, salita, kilos, tensyon. Para bang inuulit ang isang lumang teleserye. Magkahalong pagtataka at inis ang pakiramdam, dahil kasabay nito ang ang tanong na bakit parang walang nagbago?
Sa pulitika, iba ang bigat ng déjà vu. Hindi ito simpleng nostalgia. Alaala ito ng mga kapalpakan na hindi natutunan, ng mga patutsadahang minsan nang nagdulot ng abala at pagkadismaya. Dito, kapag ang kasalukuyan ay kahawig ng nakaraan, ang déjà vu ay hindi na basta pakiramdam lang kundi isa ng warning.
Sa San Pablo City, hindi na bago ang problema ng political accommodation. May mga pagkakataon talaga na ang mga nanalo at umupong executive at legislative o ang mayor at ang sanggunian ay galing sa magkaibang partido. Pag ganito, minsan ay maganit ang pagtutulungan. Syempre, nagreresulta ito sa pagpigil o pagtigil ng mga programa. Napaparalisa ang serbisyo, at alam nating lahat na ang taumbayan ang direktang apektado dito.
Naranasan na ito ng San Pablo noon. Matingkad na halimbawa si dating Mayor Boy Aquino, na tumagal lamang ng isang termino matapos harangin ng Sanggunian at hindi aprubahan ang halos lahat ng budget ng kanyang mga programa. Hindi dahil kulang ang ideya o direksyon, kundi dahil galing sila sa magkalabang partido. Ang kapitolyo noon ay naging forum ng bangayan na hindi nakumpuni. Resulta, natalo na si Aquino sa ikalawa nyang laban dahil sa tingin ng taumbayan ay naging inutil sya sa loob ng 3 taon.
Kahawig ng nakaraan ang nangyayari ngayon. Parang iisa ang eksena: Hindi gaanong umuusad ang mga proyekto kagaya ng napurnadang Pamaskong Handog. At malamang ay magkaribok uli sila sa deliberation ng annual city budget. Kagaya ng nakaraan, hindi humuhupa ang tensyon sa pagitan ng dalawang tanggapan. Parang kahapon lamang, hostage na naman ang mga serbisyo dahil sa pulitikal na alitan. Ang napakalaking kaibahan lamang ay may social media na ngayon. Nakita natin kung paano dinurog sa mga virtual forum ang ilang konsehal kasama ang vice mayor hinggil sa naunsyaming Noche Buena package.
Kung dati ay tahimik ang mga tao at limitado ang tsismisan, hindi na ngayon. Matapos mailantad ang trilyong pisong anomalya sa mga flood control projects, nagising ang publiko. Ang mga Pilipino, kasama ang mga San Pableño ay naging mas vocal, open, kritikal, mapanuri, at mas matapang. Hindi na sapat ang palusot. Buking na ang paghuhugas ng kamay. Hindi na madaling ikubli sa likod ng teknikalidad o pulitikal na drama ang kawalan ng aksyon.
Bahagi na ngayon araw araw na buhay ng Pinoy ang Facebook, Twitter, TikTok, IG, X, Thread, YouTube, live videos, memes, at maraming iba pa. Asbok ang San Pablo Public Forum, di ga? Ang mga scripted na gimik sa mga bulwagan ay madali ng nabubuking. Makulit na ang masa. Hindi na sila takot i-bash ng walang awa ang mga pulitikong plastik at nagpapakitang tao lamang.
Ang tanong ngayon ng mga kritiko ay kung matututo ba ang mga nasa kapangyarihan sa aral ng nakaraan? O uulitin natin ang parehong kuwento sa ibang pangalan? Magiging kapalaran din ba ni Yorme Najie Gapangada ang naging kapalaran ni nasirang Mayor Boy Aquino?
Kung tatantuin ang umiiral na digital boom, mahirap ulitin ang kapalaran ni Aquino na nilumpo ng pulitika ang buong termino. Sa era na ito ng citizen journalism bawat hindi napagkasunduang budget, bawat sesyong nauwi sa benggahan, at bawat programang hindi umusad ay maailalantad agad sa net criticism. Gamit ang mga digital platforms, ang mga maling desisyon o kawalan ng desisyon ay naihahanap agad ng mga ebidensiya. Dumadaan ito sa malupit na digital discourse.
Nagmamatyag na ang masa. Nagtanong na, nag-uusisa, at handang makipagbabag sa sinumang humahadlang sa serbisyo. Madali na ngayong magbagsak ng isang lider na hindi tumitindig sa sinumpaang pananagutan. Dahil may digital record ang internet at malakas ang pwersa ng online collective voice ng mamamayan.
Bukod sa kapangyarihan ng social media, malaking factor din ang edukasyon. Kumpara noong 20 taon ang nakalipas, mas marami ng San Pableño ang may mataas na aral. May kakayahan na silang kilalanin ang kawalan ng aksyon o mismanagement. Confident na silang makialam sa mga desisyong pambayan. Aktibo na sila sa mga cyber deliberation. Lumawak na ang pag-unawa nila at kamalayan sa karapatan at responsibilidad bilang botante, mamamayan at tax payer.
Hindi naman hinihingi ng taumbayan ang perpektong pagkakasundo. Epektibong pagkilos ang inaasahan nila. Dahil sa dulo ng bawat hindi naaprubahang budget at bawat naudlot na programa, may pamilyang naghihintay, komunidad na nangangailangan, at lungsod na napag iiwanan.
Kung may nagbago man ngayon, ito iyon: hindi na tahimik ang taumbayan. Mahirap na silang utuin. Bukas na ang mata ng publiko at nakapagtatag na sila ng cyber power. Ang pulitikang hindi nakatuon sa kapakanan ng tao ay hindi na nailiklik sa sambayanan.
Ang political déjà vu na ganito ay hindi na maituturing na aksidente o personal na alitan ng mga pulitiko. Ito ay sinasadyang desisyon. Sa pamamayagpag natin ngayon sa age of digitalization, ang magpatakbo ng pamahalaan sa ngalan ng pulitika ay hindi na uso.
Hindi na sapat ang sisihan. Hindi na rin katanggap-tanggap ang mga lihim na pagharang sa mga programa. Hindi na pwedeng gawing sangkalan ang taumbayan sa tagisan ng kapangyarihan.
Sa isang lungsod na mulat at konektado sa social media, nakikita ng publiko ang bawat pagkilos at bawat pagkukulang. Ang mga lider na nahuhulog sa mga dating pagkakamali ay hindi na hihintayin pang husgahan ng kasaysayan. Hinuhusgahan na sila ngayon, araw-araw.
Ito ang catch, oras na para magpakita ng tunay na galing at sinseridad ang magkabilang panig sapagkat sa cyber discourse, nakikita at nabubusisi agad ang tama at mali. Walang nakakalusot na nakamaskara.
Malinaw ang aral sa San Pablo City: ang pulitikang ayaw matuto ay talo. Tinatapos agad ito sa web forum. Panahon na para matuto ang pulitika sa aral ng nakaraan.
The digital age turns voices into power.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






