Magnitude 6.4 na lindol, nagdulot ng takot sa mga residente ng Manay, Davao Oriental

0
357

MANAY, Davao Oriental — Niyanig ng magnitude 6.4 na lindol ang bayan ng Manay sa Davao Oriental at mga karatig-lalawigan kahapon, Miyerkules ng umaga, na nagdulot ng takot at agarang paglikas ng mga residente.

Ayon sa ulat, naitala ng mga camera ang tensyonado at magulong eksena matapos ang pagyanig. Sa isang CCTV footage, makikitang mabilis na lumikas ang dalawang babaeng empleyado mula sa kanilang opisina habang umiindayog ang gusali.

Maririnig din sa isang video ang sigawan ng mga residente sa kalsada kasabay ng malakas na pagyanig. Sa Manay Public Market, nagtakbuhan palabas ang mga tindero at mamimili, iniwan ang kanilang mga puwesto upang maghanap ng ligtas na lugar.

Ayon sa mga ulat, umabot sa Intensity V ang naramdamang pagyanig sa Manay, gayundin sa Hinatuan, Surigao del Sur, at Talacogon, Agusan del Sur. Naramdaman din ang lindol sa iba pang bahagi ng Mindanao at maging sa ilang lugar sa Visayas.

Bunga nito, pansamantalang isinuspinde ang morning classes sa Magallanes Elementary School. Ayon kay school principal Vi-Cherry Ledesma, maayos na nakalikas ang mga guro at mag-aaral. “They were able to vacate the building as fast as they could and they know where to go on their evacuation area assigned to them,” ani Ledesma.

Sa Davao City, naglikas din ang mga empleyado ng City Hall patungo sa Quezon Park, Rizal Park, at iba pang malalapit na open spaces. Makalipas ang inspeksiyon ng city engineering office, pinayagan silang makabalik sa gusali matapos itong ideklarang ligtas.

Naramdaman din ang pagyanig sa Panabo, Davao del Norte, at sa Makilala, Cotabato. Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga safety protocol sakaling magkaroon ng aftershocks.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo