Dome collapse, crater glow naobserbahan sa Mayon; Alert Level 3 nananatili — PHIVOLCS

0
643

MAYNILA – Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Miyerkules ng gabi ang patuloy na dome collapse at pyroclastic density currents (PDCs) sa Bulkang Mayon sa Albay, hudyat ng mas tumitinding aktibidad ng bulkan.

Sa mga kuhang ibinahagi ng PHIVOLCS mula 6:36 p.m. hanggang 7:00 p.m., makikita ang crater glow o “banaag” sa tuktok ng Mayon, na indikasyon ng presensya ng bagong magma at nagbabagang materyales sa bunganga nito.

Ayon sa ahensya, ang banaag ay dulot ng superheated volcanic gas mula sa bagong magma na nagpapaliwanag sa atmospera sa itaas ng bunganga, gayundin ng incandescent lava dome at sariwang nagbabagang materyal mula sa rockfall at maiikling PDCs o “uson” na dumaloy sa Bonga Gully.

Binigyang-diin ng PHIVOLCS na nananatili ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, na nangangahulugang mataas na antas ng volcanic unrest at may posibilidad ng pasabog na pagputok sa loob ng mga susunod na araw o linggo.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong permanent danger zone (PDZ) dahil sa banta ng PDCs, lava flows, rockfall, at posibleng biglaang pagsabog.

Umaga nitong Miyerkules, sinabi ng PHIVOLCS na mahigit 130 rockfall events ang naitala sa loob lamang ng nakaraang 24 oras. Ang mga rockfall ay mga tipak ng batong bumabagsak mula sa itaas na bahagi ng bulkan na dulot ng pag-usad at pagdami ng lava.

Sa kabuuan, daan-daan na ang naitalang rockfall events mula noong huling linggo ng Disyembre 2025, kasabay ng ilang pyroclastic density currents, na nagpapakita ng hindi matatag na kondisyon ng lava dome sa bunganga ng bulkan.

Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, patuloy na mino-monitor ng ahensya ang paglaki ng lava dome simula pa noong Nobyembre, ngunit mas kapansin-pansin ang pagtaas ng aktibidad sa huling linggo ng Disyembre at unang linggo ng Enero 2026.

“Meron tayong lava dome growth. Ito yung makapal at malapot na lava sa ibabaw ng bulkan na naiipon doon. Habang nadaragdagan ang lava, mas nagiging hindi stable ang dome,” paliwanag ni Bacolcol.

Noong Martes, itinaas ng PHIVOLCS ang alert status ng Mayon sa Alert Level 3 matapos maitala ang paglitaw ng PDCs o ‘uson’, isang mapanganib na halo ng mainit na abo, bato at gas na mabilis na dumadaloy pababa ng bulkan.

Sinabi ni Bacolcol na kahawig ng mga senyales noong 2023 ang kasalukuyang aktibidad ng Mayon, kung kailan nanatili sa Alert Level 3 ang bulkan sa loob ng halos anim na buwan. Gayunman, may mahalagang pagkakaiba ngayon.

“Ang nakikita natin ngayon ay may mga senyales ng pamamaga o ground deformation ng bulkan, na indikasyon ng pag-angat ng magma sa ilalim,” aniya.

Ang ground deformation ay itinuturing na kritikal na palatandaan ng patuloy na paggalaw ng magma, na maaaring magdulot ng mas mapanganib na aktibidad kung magpapatuloy.

Patuloy na hinihikayat ng PHIVOLCS ang mga lokal na pamahalaan at residente na sumunod sa mga abiso sa paglikas, manatiling alerto sa mga opisyal na anunsyo, at iwasan ang mga lugar na nasa loob ng danger zone.

Ang Bulkang Mayon ay kinikilalang pinaka-aktibong bulkan sa Pilipinas, at ang kasalukuyang kombinasyon ng dome growth, rockfall, crater glow at PDCs ay nagpapahiwatig na nananatili itong nasa mapanganib na yugto ng aktibidad.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo