Bahagyang lumakas si Ada; Signal No. 1 itinaas sa 11 lugar

0
2553

MAYNILA — Bahagyang lumakas ang Tropical Depression Ada habang kumikilos sa Philippine Sea silangan ng Mindanao, ayon sa pinakahuling Tropical Cyclone Bulletin ng PAGASA nitong Huwebes ng umaga. Nananatiling nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) Signal No. 1 ang 11 lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Batay sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng Tropical Depression Ada sa layong humigit-kumulang 385 kilometro east northeast ng Hinatuan, Surigao del Sur o 465 kilometro east ng Surigao City, Surigao del Norte. Taglay nito ang maximum sustained winds na 55 kilometers per hour malapit sa sentro, may gustiness na umaabot sa 70 km/h, at central pressure na 1000 hPa. Kumikilos ang bagyo pahilagang-kanluran o northwestward sa bilis na 20 km/h, habang ang strong winds ay umaabot hanggang 400 kilometro mula sa sentro.

Nakataas ang TCWS Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar: sa Luzon, Sorsogon at southeastern portion ng Albay kabilang ang Rapu-Rapu, Manito at Legazpi City; sa Visayas, Northern Samar, Samar, Eastern Samar, eastern portion ng Biliran na kinabibilangan ng Maripipi, Kawayan, Culaba, Caibiran at Cabucgayan, eastern portion ng Leyte kabilang ang Carigara, Barugo, San Miguel, Babatngon, Tacloban City, Tunga, Jaro, Alangalang, Santa Fe, Palo, Dagami, Pastrana, Tanauan, Tabontabon, Julita, Dulag, Tolosa, La Paz, Mayorga, Macarthur, Javier, Abuyog at Mahaplag, at eastern portion ng Southern Leyte na kinabibilangan ng Silago, Sogod, Libagon, Saint Bernard, Hinunangan, Hinundayan, Anahawan, San Juan, Liloan, San Ricardo, San Francisco at Pintuyan; at sa Mindanao, Dinagat Islands, Surigao del Norte at Surigao del Sur.

Sa Heavy Rainfall Outlook, inaasahang makatatanggap ng tinatayang 50 hanggang 100 mm ng ulan ang Northern Samar, Eastern Samar, Leyte, Southern Leyte, Dinagat Islands, Surigao del Norte at Surigao del Sur.

Ipinaliwanag ng PAGASA na ang wind signals ay nagsisilbing babala sa pangkalahatang banta ng hangin dulot ng tropical cyclone. Maaaring bahagyang mas malakas ang lokal na hangin sa mga coastal at upland o mountainous areas na bukas sa ihip ng hangin, habang mas mahina naman sa mga lugar na nasisilungan mula sa umiiral na direksiyon ng hangin.

Dagdag pa ng ahensya, ang Northeast Monsoon at ang periphery of Ada ay magdadala ng strong to gale-force gusts, lalo na sa mga coastal at upland areas na bukas sa hangin, sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, northern at eastern mainland Cagayan, eastern Isabela, Aurora, karamihan ng CALABARZON, Lubang Islands, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Cuyo Islands, Bicol Region at Central Visayas.

Para sa hazards affecting coastal waters, inaasahan ang up to rough seas na may hanggang 4.0 m na alon sa northern at eastern seaboards ng Catanduanes, Northern Samar at Siargao–Bucas Grande Islands gayundin sa eastern seaboards ng Eastern Samar at Dinagat Islands, hanggang 3.5 m sa seaboards ng Isabela, Aurora, northern mainland Quezon at Camarines Norte, sa northern seaboard ng Camarines Sur at sa eastern seaboards ng Albay, Sorsogon at Surigao del Sur, at hanggang 3.0 m sa seaboards ng Batanes, Cagayan at Ilocos Norte at sa eastern seaboard ng Davao Oriental. Pinapayuhan ang mga mariners ng small seacrafts, kabilang ang lahat ng uri ng motorbancas, na huwag munang pumalaot, lalo na kung walang sapat na karanasan o gamit.

Samantala, up to moderate seas naman na may hanggang 2.5 m na alon ang inaasahan sa eastern seaboard ng Camarines Sur at sa natitirang seaboard ng Catanduanes, at hanggang 2.0 m sa eastern seaboard ng Davao Occidental at sa natitirang seaboards ng Ilocos Region. Pinapayuhan ang mga operator ng motorbancas at kahalintulad na sasakyang-dagat na mag-ingat at, kung maaari, iwasan ang paglalayag sa mga nabanggit na kondisyon, habang sa iba pang lugar ay mas mababa sa 2.0 meters ang taas ng alon.

Sa Track and Intensity Outlook, sinabi ng PAGASA na inaasahang kikilos si Tropical Depression Ada pahilagang-kanluran mula ngayon hanggang Linggo, Enero 18, bago lumihis pahilagang-silangan o north northeastward sa Lunes, Enero 19. Sa kasalukuyang forecast track, maaaring dumaan ang bagyo malapit sa Eastern Samar at Northern Samar sa Biyernes, Enero 16, o Sabado, Enero 17, ng madaling-araw bago tumungo sa Catanduanes, kung saan inaasahang magkakaroon ito ng close approach sa Linggo ng umaga. Nagbabala rin ang ahensya na ang karagdagang paglihis pakanluran ng track ay maaaring magresulta sa posibleng landfall sa Eastern Visayas at Bicol Region.

Dagdag pa ng PAGASA, inaasahang maaabot ni Ada ang tropical storm category ngayong araw at magpapatuloy ang unti-unting paglakas nito habang kumikilos sa Philippine Sea.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo