MAYNILA — Iniulat ng Department of Justice (DOJ) na maglalabas ito ng magkahiwalay na subpoena sa susunod na linggo laban kina Sen. Jinggoy Estrada at dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng mga plunder complaints na may kinalaman sa umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Ayon kay DOJ Prosecutor General Richard Fadullon, sisimulan na rin ng ahensya ang preliminary investigation (PI) matapos maipadala ang mga subpoena.
“..this coming week, we will be issuing the subpoenas already in connection with those cases, meaning to say magsisimula na po ‘yung PI,” ani Fadullon sa isang forum sa Quezon City nitong Sabado.
Nauna nang inanunsyo ni DOJ spokesperson Polo Martinez na naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng magkahiwalay na plunder complaints laban kina Estrada at Revilla, na dumaan sa fact-finding process kasama ang mga prosecutors.
“Kumbaga nag-fact finding riyan ang NBI katulong ng ating mga prosecutors, at matapos nu’n nagkaroon ng rekomendasyon or referral sa Office of the Ombudsman, and the Office of the Ombudsman evaluates whether or not there is sufficient evidence to proceed,” paliwanag ni Fadullon.
Dagdag pa niya, ang mga reklamo ay ipinasa ng Office of the Ombudsman sa DOJ para sa karagdagang proseso.
Nilinaw naman ni Martinez na ang mga plunder cases laban kina Estrada at Revilla ay hindi lamang nakatuon sa mga proyekto sa Bulacan.
“’Yung sa plunder case dahil may amount involve diyan eh that encompasses not just projects in Bulacan but nationwide. Hindi localized sa Bulacan,” ani Martinez.
Patuloy na hinihintay ang pahayag ng kampo nina Estrada at Revilla hinggil sa mga reklamo.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





