Iimbestigahan ng MARINA ang kakulangan ng life vest, posibleng overloading, pagpapalit ng barko sa Basilan ferry sinking

0
221

BASILAN — Magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Maritime Industry Authority (MARINA) kaugnay ng mga alegasyon ng mga nakaligtas sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 sa karagatang sakop ng Basilan noong Lunes, kabilang ang kakulangan ng life vest, posibleng overloading, at umano’y pagpapalit ng barkong nakatalaga sa biyahe.

Sinabi ni MARINA Spokesperson Dir. Luisito delos Santos na kabilang sa mga tinutukoy na posibleng paglabag ang paggamit ng barkong hindi orihinal na nakatalaga para sa nasabing ruta at araw ng paglalayag.

“May mga violation na nakikita natin. Una, it appears na ’yung naka-assign na barko sa mga kababayan natin na luluwas sa araw na ’yun ay hindi talaga ’yun ’yung barko na sasakyan nila… Mukhang pinalitan,” pahayag ni delos Santos.
“Sinasabi namin ngayon, nakitaan ng mga matinding violation ang Aleson Shipping [Lines],” dagdag pa niya.

Ang M/V Trisha Kerstin 3 ay pagmamay-ari at pinatatakbo ng Aleson Shipping Lines, na kasalukuyang sumasailalim sa safety audit at imbestigasyon ng MARINA.

Sinabi rin ng opisyal na sisiyasatin ang mga ulat ng mga pasaherong umano’y walang sapat na life vest at may mga lalagyan ng life jacket na naka-lock.

“Kasama rin sa imbestigasyon natin ’yan [may ilang pasahero na walang life vest]… Ang nakakalungkot, ’yung mga paunang recount ng mga pasahero, may mga life vest kaso allegedly, naka-lock ang lagayan ng life vest,” ani delos Santos.

“Ang life vest ang pangunahing depensa natin lalo na kung nagkakaroon ng mga aberyang ganito… Ang nakakalungkot, walang bagyo tapos lumubog pa ’yung barko,” dagdag niya.

Ayon sa MARINA, ang bilang ng mga functional na life vest ay dapat laging tumutugma sa awtorisadong kapasidad ng pasahero ng barko. Kasama rin sa tinitingnan ang posibilidad ng overloading at kung tumugma ang talaan ng pasahero sa aktuwal na sakay ng sasakyang pandagat.

“’Yung authorized passenger capacity ng barko na sinakyan nila, titignan natin kung walang overloading. Kaso may ibang balitang lumalabas na allegedly napalitan ’yung barko na sasakyan ng ating mga kababayan,” paliwanag ng opisyal.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang MARINA sa Philippine Coast Guard (PCG), na nagpapatuloy sa search and rescue operations para sa mga nawawalang pasahero at pamamahala sa insidente.

Batay sa paunang beripikasyon, sinabi ng MARINA na kumpleto at balido ang mga dokumento ng M/V Trisha Kerstin 3, at walang expired na papeles. Gayunman, binigyang-diin ni delos Santos na ang pangunahing isyu sa ngayon ay ang eksaktong bilang ng mga pasahero at ang pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan.

“Per documents ng mga barko, valid ang documents ng barko. Walang expired. Ang nagiging isyu lang ngayon ay ’yung bilang ng mga pasahero,” aniya.

Ipinaliwanag din ng MARINA na bagama’t isinasagawa ang taunang inspeksiyon ng mga seagoing vessel, mahalaga pa ring panatilihin ng mga operator ang seaworthiness ng kanilang mga sasakyang pandagat sa pagitan ng mga audit.

“Pero ang tanong, after the inspection, after the audit hanggang sa susunod na pagbalik ng MARINA, na-me-maintain ba ng operators ang seaworthiness ng ating mga sasakyang pandagat? ’Yan ang nakakalungkot, lumalabas na marami ang pagkukulang ng ating operators,” ani delos Santos.

Nanawagan ang MARINA sa lahat ng operator ng mga pampasaherong barko na mahigpit na sundin ang mga patakaran sa kaligtasan upang maiwasan ang pag-uulit ng mga trahedyang katulad nito.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.