MAYNILA – Opisyal na magsisimula ang buwan ng Ramadan sa Pilipinas sa Huwebes, Pebrero 19, 2026, ayon sa pahayag ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), matapos na hindi makita ang crescent moon noong Martes ng gabi.
Ayon sa ahensya, “bilang pambansang ahensya ng gobyerno na may tungkuling magbigay ng tumpak na impormasyon tungkol sa kapakanan ng mga Muslim sa Pilipinas, base sa resulta ng moon sighting activities na isinagawa ng NCMF, katuwang ang Bangsamoro Darul Ifta, iba’t ibang Ulama groups, at ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang buwan (Hilal) ay hindi nakita.”
“Dahil dito, opisyal na idinedeklara na ang Ramadhan 1447 Hijrah ay magsisimula sa Huwebes, Pebrero 19, 2026,” dagdag pa ng NCMF.
Inihayag ni Grand Mufti Sheikh Abdulrauf Guialani ng Bangsamoro Darul-Ifta’ ang opisyal na pagsisimula ng Ramadan sa Shariff Kabuksuan Cultural Complex sa Bangsamoro Government Center, matapos matanggap ang mga ulat ng moon sighting mula sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro, Manila Bay, General Santos City, at mga lalawigan ng Sultan Kudarat, Sarangani, at Sulu.
“So whoever sights (the new moon of) the month (of Ramadan), let him fast it,” ayon sa Qur’an, Surah Al-Baqarah Chapter 2, Verse 185, dagdag ng Grand Mufti.
Ang Ramadan ang pinakabanal na buwan sa Islamic calendar, kung saan nag-aayuno ang mga Muslim mula madaling araw hanggang paglubog ng araw, kasabay ng panalangin at pagsasabayan ng iftar o pagputol ng ayuno pagkatapos ng paglubog ng araw.
Sa pagbati ng NCMF Secretary Sabuddin N. Abdurahim, “Sa ating mga Muslim na kababayan at sa lahat ng ating mga kapatid na Muslim sa buong Pilipinas, ipinapaabot namin ang taos-pusong pagbati sa pagsalubong ng banal na buwan ng Ramadan. Pinapaalala ng panahong ito na ang pananampalataya ay pinatitibay sa pamamagitan ng pasensya, malasakit, at taos-pusong debosyon.”
Dagdag pa niya, “Sana ang banal na pangakong ito ay magbigay-inspirasyon upang muling paigtingin ang ating puso, pagtulungan ang bawat isa, at magsama-sama sa awa, pagkakaisa, at kapayapaan.”
Ipinaalala rin ng NCMF na maaaring magpatupad ng flexible working hours ang mga Muslim na nagtatrabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa panahon ng Ramadan. Batay sa Civil Service Resolution No. 1981, maaaring pumasok ang mga Muslim government workers mula 7:30 a.m. hanggang 3:30 p.m. nang walang noon break, at ang dalawang oras na kaibahan ay hindi ituturing na undertime.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





