Isusubasta ng NFA ang lumang bigas sa Pebrero 20

0
201

VALENZUELA CITY — Maglulunsad ang National Food Authority (NFA) ng auction para sa 750,000 sako ng bigas na nakaimbak sa kanilang bodega sa Valenzuela City nang higit tatlong buwan.

Mag-iiba ang presyo ng mga bigas depende sa kalidad at haba ng pagkakaimbak nito sa bodega. Ang minimum na bid para sa stocks na may tatlo hanggang anim na buwang gulang ay P25.16 kada kilo, habang ang 18-buwang gulang na bigas ay may minimum na P22.52 kada kilo.

“Meron talagang pagkakaiba sa rice-producing regions na medyo maganda ang mga variety na tinatanim, gaya ng Region 3. Mas maganda ang kalidad ng bigas diyan,” ani NFA Administrator Larry Lacson.

Ang mismong auction para sa mga old stock na bigas ay magsisimula sa Biyernes, Pebrero 20. Sinabi rin ng ahensya na ligtas ang mga lumang stock para sa pkonsumo ng publiko.

“Siyempre dahil gusto natin lumuwag ang bodega ng NFA at malapit na ang peak season ng harvest sa Marso, at makapag-generate ng revenue,” dagdag ni Lacson.

Kapag nalinis na ang bodega, inaasahan ng NFA na makakabili sila ng katumbas na 1.5 milyong sako ng palay sa darating na harvest season. Inaasahan din na ang auction ay makakalikom ng higit P900 milyon na karagdagang pondo para sa ahensya.

Bagamat ang auction ay bukas lamang sa mga retailer, dealer, at wholesaler, maaari pa ring makinabang ang mga ordinaryong mamimili kung magbebenta ang mga trader ng bigas sa mas murang presyo.

Kasalukuyang ipinagbibili ang lokal na well-milled rice sa halagang P40 hanggang P54 kada kilo.

“Local rice, actually, medyo nagtaas tsaka mahirap kumuha ngayon. Ayun ang problema ngayon,” ayon kay JM, isang rice retailer sa Marikina City.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.